Mabuting
Balita: Lucas 7:36-50Noong
panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya.
Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may
isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa
bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro.
At
lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa
ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang
buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong
nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong
ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya —
isang makasalanan!”
Bilang
tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”
Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong
nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y
limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanila
ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang
pinatawad ng malaking halaga.”
“Tama
ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay
Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo
man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng
luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok.
Hindi
mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa
paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit
pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa.
Kaya’t
sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay
na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay
kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad
na ang iyong mga kasalanan.”
At ang
kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili,
“Sino
ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni
Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo
ang iyong kalooban.”
+
+ + + + + +
Repleksyon:
Ano ang nagtulak sa babae
upang basain ng luha ang mga paa ni Jesus? Ano ang nag-udyok sa kanya upang
punasan ang mga ito ng kanyang buhok, halikan, at pahiran ng pabango?
Ito ay ang kanyang malalim na
pagkilala sa sariling mga kasalanan. Sawang-sawa na siyang mamuhay sa dilim ng
kasalanan, at nang marinig niyang si Jesus ay nasa bahay ni Simon, hindi na
niya napigilan ang kanyang sarili.
Ginawa niya ang lahat upang
makalapit kay Jesus, iniaalay ang tanging mayroon siya—ang kanyang
mapagpakumbabang pusong sugatan—na ipinakita sa mga payak ngunit taos-pusong
gawa ng pag-ibig at pagsisisi.
Hindi humingi ng kapatawaran
ang babaeng makasalanan sa pamamagitan ng salita. Ngunit ang kanyang mga luha,
ang kanyang mga halik, at ang kanyang pagpapahid ng pabango ay nagsilbing
tahimik na sigaw ng isang pusong nagsisisi, nananabik sa awa at pagbabagong
tanging si Jesus lamang ang makapagbibigay.
At sa kanyang mga kilos,
nakita ni Jesus ang kanyang hangarin na mapatawad. Sa Kanyang walang hanggang
habag, ipinagkaloob Niya ang kaloob na pinakaninais ng babae: kapatawaran at
bagong buhay.
Hindi siya natakot na siya ay
hatulan o kondenahin. Nakatutok lamang ang kanyang puso sa mapagpalang awa ni
Jesus. Ganito rin ang Jesus na nakikilala natin ngayon: isang Diyos na hindi
kumokondena gaano man kabigat ang ating mga kasalanan; isang Diyos na hindi
humahatol batay sa ating nakaraan, kundi patuloy na umaakay sa atin kapag
tayo’y taos-pusong nagbabalik-loob sa kanya.
Para kay Jesus, ang
pinakamahalaga ay hindi ang bigat ng ating mga kasalanan noon kundi ang
desisyon natin ngayon—ang iwanan ang ating buhay makasalanan at mamuhay sa
kalayaan ng Kanyang biyaya. Hindi na mahalaga ang nakaraan kapag ito’y ating boung
pusong ihingi ng tawad sa kanya. Ang tinitingnan ni Jesus ay ang kababaang-loob
ng pusong nagsisisi na handing magsimulang muli.
Angboung kababaang loob na
ginawa ng babae ay kanyang panalangin, ang kanyang pagsusumamo ng kapatawaran,
ang kanyang pagtalikod sa kanyang madilim na nakaraan. Nagsalita siya kay Jesus
hindi sa pamamagitan ng labi kundi sa pamamagitan ng kanyang puso—at narinig ni
Jesus ang daing ng kanyang kaluluwa.
Kailan ba ang huling
pagkakataon na ibinuhos natin ang ating puso kay Jesus sa tunay na
pagpapakumbaba? Handa ba tayong lumapit sa Kanya—hindi dala ang mga dahilan,
kundi may luha ng pagsisisi at tapang na iwan ang kasalanan—upang tayo’y
Kanyang patawarin at bigyan ng bagong buhay? —Marino J. Dasmarinas