Dapat habang lumalago at namumunga ang ating pananampalataya, dapat ay naglalaan din tayo ng panahon na ibahagi ito. Para mailigtas natin ang ating kapwa sa kasamaan ng mundo.
Sa mundong nababalot ng kadiliman at kasalanan, tinatawag tayo ni Jesus na maging ilaw na nagbigay-liwanag sa lahat. Pinapaliwanag natin ang mundong ito sa pamamagitan ng Kanyang mga aral; pinapaliwanag natin ito sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kanyang kalooban. Ang ating patotoo ay nagiging apoy na nakikita at nasusundan ng iba.
Isipin natin ang isang pamilyang hindi kailanman nag-uusap tungkol kay Jesus. Ang katahimikan tungkol kay Jesus ay madalas na palatandaan ng hindi natin masyadong pagkakilala sa kanya. Ano ang mangyayari sa pamilyang ganito kung wala ang liwanag ni Jesus? Dito pumapasok ang napakahalagang papel ng mga magulang. Dahil sila ang unang inatasang magdala ng liwanag ni Jesus sa kanilang tahanan.
Dapat samantalahin ng mga magulang ang bawat pagkakataon upang ipakilala si Jesus sa kanilang mga anak. Ang batang dinadala sa Banal na Misa, ipinakikilala kay Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo sa Kanyang buhay sa Biblia ay magkakaroon ng ilaw na hindi kailanman mapapawi. Ang ganitong bata ay lalaki na may gabay at lakas ni Cristo. At ang pamilyang ito ay makalalakad sa buhay nang walang takot sapagkat kasama nila si Jesus.
Ngunit sa makabagong panahon ngayon, kung saan malaki ang impluwensya ng social media kailangan nating tanungin ang ating sarili: Ibinabahagi pa ba natin ang liwanag ni Jesus sa mga kabataan ngayon? Nananatiling maliwanag ba ang lampara ni Jesus sa ating mga tahanan, o hinayaan na nating ito’y mamatay dahil sa bigat ng mga alalahanin ng mundo?
Ibabahagi mo ba
si Jesus at ang kanyang mga turo sa iyong pamilya para mas magkaroon ng sigla at
liwanag ang buhay nila? — Marino J.
Dasmarinas
No comments:
Post a Comment