Monday, September 15, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Martes Setyembre 16 Paggunita kay San Cornelio papa at San Cipriano Obispo mga martir: Lucas 7:11-17


Mabuting Balita: Lucas 7:11-17
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.”
 
Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.
  + + + + + + +
Repleksyon:
Isipin at damdamin natin ang dalamhati, kalungkutan, at malalim na kawalan ng pag-asa ng isang balo na ililibing na ang kanyang bugtong na anak. Pumanaw na ang kanyang asawa, at ngayo’y ang kanyang tanging anak—ang natitirang pag-asa at aliw ng kanyang buhay—ay wala na rin. Tunay na nababalot siya ng matinding kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

Ngunit dumating ang isang hindi inaasahang pagkikita. Nang pumasok si Jesus sa isang bayan na tinatawag na Nain, nakita Niya ang balo. Lumapit Siya at boung pagmamahal na sinabi, “Huwag kang tumangis” (Lucas 7:13).

At sa mismong sandaling iyon ng habag, ay binuhay muli ni Jesus ang kanyang anak na patay na at ililibing na sana. Ang kanyang kalungkutan at kawalan ng pag-asa ay biglang napalitan ng kagalakan, pag-asa, at bagong sigla—sapagkat pumasok si Jesus sa kanyang buhay.

Tulad ng balong ito, dumarating din sa atin ang mga panahon ng kalungkutan, kawalan, at panghihina ng loob. May mga pagkakataong na tila ang pakiramdam natin wala nang nagmamalasakit sa atin.

Ngunit mayroong nagmamalasakit, at Siya’y walang iba kundi si Jesus. Hindi Niya tayo iniiwan; Siya ang ating tapat na kasama, palagi Siyang nandiyan palaging handang makinig at siya ang pinagmumulan ng ating pag-asa.

Paano natin malalampasan ang kalungkutan at kawalan ng pag-asa? Sa pamamagitan ng palagiang pakikipagtagpo kay Jesus—sa Banal na Misa, sa ating araw-araw na pananalangin, at sa paglalaan ng oras sa pagbabasa Kanyang Salita sa Banal na Biblia. Ang bawat pakikipagtagpo kay Jesus ay nagdudulot ng bagong buhay sa ating pagod na puso at isipan at nagbabalik ng ating sigla at kagalakan.

Hinahayaang mo bang pumasok si Jesus sa mga kwento ng iyong buhay? Kasama na ang kuwento ng iyong kalungkutan at kawalan ng pag-asa gaya ng nangyari sa balo ng Nain? Handa ka bang tanggapin Si Jesus ngayon at hayaang Siyang baguhin ang iyong buhay? — Marino J. Dasmarinas

No comments: