Mabuting Balita: Lucas 16:1-13
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinatanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’
Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon.
Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’
Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”
At nagpatuloy si Hesus ng pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.
Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Naiisip po ba natin na ang lahat ng mayroon tayo ngayon—pera, kapangyarihan, kayamanang makamundo, at maging ang ating buhay—ay hindi talaga sa atin? Madalas akala natin na lahat ng ating tinatamasa ay bunga lamang ng ating sariling pawis at pagsisikap. Dahil dito, nagiging makasarili tayo at kapit-tuko sa mga bagay na mayroon tayo, na para bang dito nakasalalay ang ating buhay.
Ngunit hindi natin namamalayan na tayo ay mga katiwala lamang ng mga pagpapalang ito. Sa takdang oras ng Diyos, pananagutin Niya tayo sa lahat ng ipinagkatiwala Niya sa atin. At sa araw na iyon, itatanong ng Panginoon: “Ano ang ginawa mo sa mga bagay na ipinagkatiwala Ko sa iyo—ang iyong mga talento, ang iyong kayamanan, ang iyong oras, at maging ang iyong buhay? Ginamit mo ba ang mga ito para sa pansarili mong hangarin, o upang maglingkod sa Akin at sa iyong kapwa?”
Sa ating pong Mabuting Balita, nabigo ang katiwala sa tungkuling iniatang sa kanya na pangalagaan ang kayamanang ipinagkatiwala ng kanyang panginoon. Dahil sa hindi siya nagging tapat, lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ay binawi.
Tayo man ay mga katiwala lamang. Ang lahat ng ating tinatamasa ay hindi natin sariling gawa kundi bunga ng gabay at tulong ng Diyos. Hindi Niya ito ibinigay upang tayo’y maging makasarili, kundi upang maging daan ng pagpapala sa iba.
Ngunit sa kasamaang palad, marami sa atin ang kumikilos na para bang tayo lamang ang nagtagumpay. Yumuyuko tayo sa huwad na diyos ng kasakiman, at nagiging maramot sa pagbabahagi at pagtulong, kahit may kakayahan naman tayo.
Isang katotohanan ang dapat nating tandaan: lahat ng bagay na pinanghahawakan natin ngayon ay lilipas din. Subalit ang lahat ng ating ibinabahagi nang may pagmamahal, pananampalataya, at paglilingkod sa Diyos at kapwa ay mananatili magpakailanman.
Kapag dumating
ang araw na tayo ay pananagutin ng Panginoon, makakapagsulit ba tayo ng maayos
sa paggamit ng Kanyang mga ipinagkatiwala sa atin? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment