Dahil sa kanilang paghamak kay Juan at kay Jesus, ipinagkait nila sa kanilang sarili ang isang makabuluhang buhay—isang buhay na hindi nakaugat sa kapangyarihang makalupa, kundi nakabatay sa kapangyarihang higit pa sa mundong ito.
Bakit marami rin sa atin ang ayaw makinig sa mensahe nina Juan at Jesus na mag bagong buhay? Sapagkat tulad ng mga Pariseo at eskriba, mas minamahal natin ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga salita ni Jesus at ni Juan na puspos ng karunungan. Kaya’t nananatili tayong sarado ang puso at tainga sa kanilang panawagan ng pagsisisi.
Ngunit ano ang mapapala natin kung makamtan man natin ang lahat ng bagay sa mundong ito kung wala naman tayong Jesus? Madadala ba natin ang ating yaman at ari-arian sa kabilang buhay? Mabibili ba natin ang daan patungong langit sa pamamagitan ng ating pagmamahal sa kayamanan at kapangyarihan ng mundo?
Ngunit paano kung piliin nating pakinggan at pagnilayan ang mensahe ng pagbabalik-loob nina Juan at Jesus? Tiyak na tatanggapin natin ang kayamanang walang hanggan sa langit.
Higit na mainam na maging dukha ngunit may Jesus sa ating puso kaysa maging mayaman ngunit wala Siya. Sapagkat sa piling ni Jesus, ang kahirapan ay nagiging magaan, at ang kahinaan ay nagiging kalakasan.
Tumanggi ang mga Pariseo at eskriba dahil sa kanilang kayabangan, kapangyarihan, at pagkakapit sa makamundong bagay. Ngunit tayo, paano tayo tutugon kapag tinawag tayo ng Panginoon tungo sa pagbabalik-loob at mas malalim na pananampalataya?
Malinaw po ang hamon sa atin: Pipiliin mo ba ang kumapit sa yaman at kayamanang panandalian ng mundong ito, o yayakapin mo ang walang hanggang kayamanan na palaging gustong ibigay sa atin ni Jesus? — Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment