Wednesday, September 17, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Setyembre 18 Huwebes sa Ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 7:36-50


Mabuting Balita: Lucas 7:36-50
Noong panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 

At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya — isang makasalanan!” 

Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.” 

“Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. 

Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. 

Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 

At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili,

“Sino ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano ang nagtulak sa babae upang basain ng luha ang mga paa ni Jesus? Ano ang nag-udyok sa kanya upang punasan ang mga ito ng kanyang buhok, halikan, at pahiran ng pabango? 

Ito ay ang kanyang malalim na pagkilala sa sariling mga kasalanan. Sawang-sawa na siyang mamuhay sa dilim ng kasalanan, at nang marinig niyang si Jesus ay nasa bahay ni Simon, hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. 

Ginawa niya ang lahat upang makalapit kay Jesus, iniaalay ang tanging mayroon siya—ang kanyang mapagpakumbabang pusong sugatan—na ipinakita sa mga payak ngunit taos-pusong gawa ng pag-ibig at pagsisisi. 

Hindi humingi ng kapatawaran ang babaeng makasalanan sa pamamagitan ng salita. Ngunit ang kanyang mga luha, ang kanyang mga halik, at ang kanyang pagpapahid ng pabango ay nagsilbing tahimik na sigaw ng isang pusong nagsisisi, nananabik sa awa at pagbabagong tanging si Jesus lamang ang makapagbibigay. 

At sa kanyang mga kilos, nakita ni Jesus ang kanyang hangarin na mapatawad. Sa Kanyang walang hanggang habag, ipinagkaloob Niya ang kaloob na pinakaninais ng babae: kapatawaran at bagong buhay. 

Hindi siya natakot na siya ay hatulan o kondenahin. Nakatutok lamang ang kanyang puso sa mapagpalang awa ni Jesus. Ganito rin ang Jesus na nakikilala natin ngayon: isang Diyos na hindi kumokondena gaano man kabigat ang ating mga kasalanan; isang Diyos na hindi humahatol batay sa ating nakaraan, kundi patuloy na umaakay sa atin kapag tayo’y taos-pusong nagbabalik-loob sa kanya. 

Para kay Jesus, ang pinakamahalaga ay hindi ang bigat ng ating mga kasalanan noon kundi ang desisyon natin ngayon—ang iwanan ang ating buhay makasalanan at mamuhay sa kalayaan ng Kanyang biyaya. Hindi na mahalaga ang nakaraan kapag ito’y ating boung pusong ihingi ng tawad sa kanya. Ang tinitingnan ni Jesus ay ang kababaang-loob ng pusong nagsisisi na handing magsimulang muli. 

Angboung kababaang loob na ginawa ng babae ay kanyang panalangin, ang kanyang pagsusumamo ng kapatawaran, ang kanyang pagtalikod sa kanyang madilim na nakaraan. Nagsalita siya kay Jesus hindi sa pamamagitan ng labi kundi sa pamamagitan ng kanyang puso—at narinig ni Jesus ang daing ng kanyang kaluluwa. 

Kailan ba ang huling pagkakataon na ibinuhos natin ang ating puso kay Jesus sa tunay na pagpapakumbaba? Handa ba tayong lumapit sa Kanya—hindi dala ang mga dahilan, kundi may luha ng pagsisisi at tapang na iwan ang kasalanan—upang tayo’y Kanyang patawarin at bigyan ng bagong buhay? —Marino J. Dasmarinas

No comments: