Mabuting
Balita: Lucas 6:27-38Noong
panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga
nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga
napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo
ang mga umaapi sa inyo.
Kapag
sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong
balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo:
at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon.
Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung
ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang
inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa
kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng
mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin?
Kahit
ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay
ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang
inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga
makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad!
Sa
halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti.
Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking
gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan.
Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na
loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
“Huwag
kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at
hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at
patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong
takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang
takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
May kuwento tungkol sa isang lalaki na namatay at
hindi pinayagang makapasok sa pintuan ng langit. Tinanong niya ang anghel na
nagbabantay doon kung bakit, at sinabi ng anghel na noong siya ay nabubuhay pa,
siya ay naging masyadong mapanghusga. Kaya’t siya ay tumalikod at umalis na
malungkot ang mukha mula sa pintuan ng langit.
Bakit ba tayo madaling
humusga sa ating kapwa? Marahil dahil kulang ang ating puso sa pag-ibig at
pagpapatawad. Kung puno ang ating puso ng pag-ibig at pagpapatawad, hindi natin
magagawang humusga, sapagkat alam natin na sa sandaling tayo ay humusga, tayo
rin ay huhusgahan.
Ano ang kailangan upang hindi
tayo maging mapanghusga sa mga nagkamali laban sa atin? Dapat tayong magmahal
gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At ang pag mamahal na ito ay hindi karaniwang pag mamahal; ito ay
isang radikal na pagmamahal. Ang radikal na pag mamahal ay walang kundisyon—bagkus
ito ay pagmamahal na hindi umaasa ng kapalit o gantimpala. Ito ay pag mamahal
na nag pagpapatawad.
Ang ganitong uri ng pag-ibig
ay nagtuturo sa atin na huwag tumingin sa mga pagkakamali at kakulangan ng iba.
Sa halip, itinuturo nitong alalahanin ang kanilang kabutihan sa atin na tiyak
na napakadami—ngunit madalas nating ayaw isipin ang mga ginawa sa atin dahil
tayo ay alipin ng poot.
Sa susunod na tayo ay
matuksong bunutin ang mapanganib na espada ng paghatol, huminto muna tayo.
Patahimikin natin ang ating puso at alalahanin ang mga mabubuting katangian ng
taong ating hinuhusgahan. Sa ganitong paraan, ginagaya natin si Cristo na hindi
nakatingin sa ating mga kasalanan, kundi sa kabutihang itinanim Niya mismo sa ating
puso.
Madaling humusga, ngunit ang
magmahal gaya ng pagmamahal ni Cristo ang tunay na napaka hirap. Pipiliin mo ba
ang maging mapang husga, o tatanggapin mo ang radikal na pag-ibig at
pagpapatawad na itinuturo ni Jesus? – Marino J. Dasmarinas