Friday, September 12, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para Sabado Setyembre 13 Paggunita kay San Juan Crisostomo, Obispo at pantas ng Simbahan: Lucas 6:43-49


Mabuting Balita: Lucas 6:43-49
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. 
Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib. 

“Tinatawag ninyo ako ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi naman ninyo ginagawa ang sinasabi ko. Ipakikilala ko sa inyo kung kanino natutulad ang bawat lumalapit sa akin, nakikinig ng aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 

Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at sa pundasyong bato nagtayo ng bahay. Bumaha, at ang tubig ay bumugso sa bahay na iyon, ngunit hindi natinag, sapagkat matatag ang pagkakatayo. 

Ngunit ang nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon. Bumaha, nadaanan ng tubig ang bahay na iyon at pagdaka’y bumagsak. Lubusang nawasak ang bahay na iyon!”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Sino ang pundasyon ng iyong buhay? Kung si Jesus ang pundasyon ng iyong buhay, nasa kamay ka ng pinakamatatag na pundasyon sa buong daigdig. Walang makakatalo at walang makakasira sa iyo, sapagkat ang iyong buhay ay matibay na nakaugat kay Jesus. 

Ngunit sapat na ba na tayo’y magpahinga at makadama ng kapanatagan dahil ang ating buhay ay nakaugat na sa Kanya? Hindi. Sapagkat bilang mga alagad ni Kristo, tayo ay tinawag hindi para sa kapahingahan kundi para sa misyon. Ang ating misyon ay ibahagi ang kabutihan at pagmamahal ni Jesus sa ating kapwa. 

Dapat nating tandaan na tayo ang mabuting punong binanggit ni Jesus sa Ebanghelyo. At kung paanong ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, gayon din tayo ay dapat mamunga—at ang bunga natin ay walang iba kundi si Jesus mismo. 

Huwag nating ikulong sa ating sarili ang ating pagmamahal kay Jesus. Sa halip, ipahayag natin ito upang ang iba rin ay makadama ng Kanyang mapag-arugang pag-ibig. Sa pamamagitan ng ating pagbabahagi, maaari nilang maranasan ang kagalingan, awa, at kapatawaran ng Panginoon—mga biyayang higit na kailangan ng mundo ngayon kaysa sa alinmang panahon sa kasaysayan. 

Marami pa ring nabubuhay na walang patnubay ni Jesus. Kung sisikapin nating ibahagi Siya kahit sa isang tao lamang, natupad na natin ang ating misyon bilang Kanyang tapat at mabungang mga alagad. At malay natin? Dahil sa ating tapang na ibahagi si Kristo, maaaring may buhay na magbago—dahil lamang sa ating desisyon na ibahagi si Jesus. 

Pipiliin mo bang itago na lamang si Jesus para sa iyong sarili, o buong lakas ng loob mo Siyang ibabahagi upang ang iyong kapwa ay makaranas din ng Kanyang pag-ibig na nagliligtas at nag babago ng buhay? — Marino J. Dasmarinas

No comments: