Tuesday, September 09, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Setyembre 10 Miyerkules sa Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 6:20-26


Mabuting Balita: Lucas 6:20-26
Noong panahong iyon, tumingin si Jesus sa mga alagad, at kanyang sinabi, "Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!" "Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin!" 

"Mapalad kayong tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y magagalak!" "Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo'y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito'y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit-- gayon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.  

"Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!" "Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom!" "Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!" "Sa aba, ninyo kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta."
+ + + + + + +
Repleksyon:
Isipin natin na binabasa mismo ni Jesus sa atin ang Mabuting Balita ngayong araw. Ano ang mararamdaman natin? Mararamdaman ba natin na tayo ay tunay na pinagpala? 

Ang mga dukha, nagugutom, tumatangis, kinapopootan, at iniinsulto ay mga pinagpala ni Jesus. Kahit ano pa man ang sabihin ng iba tungkol sa kanila, sila ay Kanyang pinagpala. Subalit bilang tao, tayo’y naghahangad ng mga karangyaan sa buhay, naghahangad din tayo na tingalain o hangaan ng ating kapwa. Sino ba ang ayaw ng mga bagay na marangya sa mundong ito? Sino ba ang ayaw na tingalain o hangaan? Diba gusto natin ang mga ito? 

Ngunit kung ang mga ito ay maglalayo sa atin kay Jesus at magtutulak sa atin na yakapin ang makamundong pamumuhay na magdadala sa atin sa kasalanan, anong pakinabang ang maidudulot nito? Yayakapin pa ba natin ito? Kailangang tayo ay laging mapagmatyag, sapagkat si Satanas ay walang tigil na kumikilos upang ilayo tayo ng tuluyan sa pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng mga makasalanang pamumuhay. 

Kung tayo man ay dukha sa paningin ng mundong ito ngunit nasa puso natin si Jesus, tayo ang dukhang walang katulad at tunay na pinagpalang tao sa mundo. Bakit? Sapagkat pinili nating isentro ang ating buhay kay Jesus—ang parehong Jesus na magdadala sa atin sa langit balang araw. 

Ang tunay na pagpapala ay hindi nasusukat sa kung gaano tayo kayaman,  kundi kung sino ang nasa puso natin. Maaaring hamakin tayo ng mundo, ngunit kung ang ating puso ay para kay Jesus, taglay natin ang isang kayamanang hindi mabibili ng salapi at hindi matutumbasan ng kapangyarihan ng mundo. 

Ano ang pipiliin mo ang panandaliang luho, kayamanan at kapangyarihan ng mundo na naglalaho, o ang walang hanggang kayamanan ng buhay na nakasentro kay Jesus? — Marino J. Dasmarinas 

No comments: