Thursday, September 11, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Setyembre 12 Biyernes sa Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 6:39-42


Mabuting Balita: Lucas 6:39-42
Noong panahong iyon, tinanong sila ni Jesus ng patalinghaga: "Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya'y magiging katulad ng kanyang guro. 
 
"Ang tinitingnan mo'y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mong masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, bayaan kong alisin mo ang iyong puwing,' gayong hindi mo nakikita ang tahilan sa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo'y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid." 
 + + + + + + +
Repleksyon:
Mataas ba ang iyong tingin sa iyong sarili? 

Paminsan-minsan, tayo’y nahuhulog sa patibong na ito na tinatawag na pagmamataas. Nakikita natin ang ating sarili na mas mataas kaysa iba; kaya’t mabilis nating nakikita ang pagkukulang ng ating kapwa. Bakit nga ba ganito? Dahil ba sa ating pag-iisip na tayo ay mas malapit sa Diyos kaysa sa iba? Dahil ba ito sa ating katayuan sa lipunan o sa ating kayamanan? Marahil lahat ng tatlong ito ay kabilang. 

Ngunit ang problema sa mga taong mapanghusga ay nakikita lamang nila ang pagkukulang ng iba at hindi ang sarili. Mabilis silang humusga sa pagkakamali ng kanilang kapwa ngunit bulag sila sa sarili nilang pagkakasala. 

Sa sandaling tayo’y humusga, binubuksan din natin ang ating sarili sa paghuhusga ng iba. Sa paghuhusga natin sa kanila, inaanyayahan din natin silang husgahan tayo. Kung ayaw nating husgahan tayo ng iba, tigilan na natin ang pagiging mapaghusga at iwasan ang anumang uri ng pagmamataas. 

Sa halip na humusga, bakit hindi magbigay-motibasyon? Bakit hindi magbigay ng banayad na pagtutuwid? Bakit hindi magbigay ng payo? Ang tunay na tagasunod ni Jesus ay hindi nanunumbat kundi nagpapayo ng mahinahon, hindi nag bibigay ng masasakit na mga salita kundi nag bibigay ng mga salitang nagpapagaling, hindi nagtutulak ng palayo sa Diyos kundi inilalapit ang kanyang kapwa sa Diyos. 

Kapag kapag tayo po ay nag suri ng mabuti sa ating mga puso, mauunawaan natin na tayo rin ay makasalanang nangangailangan ng awa at pang unawa. At kung ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang habag, ay paulit-ulit tayong pinatatawad, sino tayo para ipagkait ang awa sa iba? 

Kaya marapat na itanong natin sa ating mga sarili—mas inuukol ko ba ang aking oras sa pag pupuna ng pagkukulang ng aking kapwa, o sa pag susuri sa aking mga sariling pagkukulang sa Diyos at sa aking kapwa? – Marino J. Dasmarinas

No comments: