Naranasan ito ng Mahal na Ina sa kaibuturan ng Kanyang Kalinis-linisang Puso. Nagsimula ito nang ipahayag ni Simeon na ang Kanyang Anak ay magiging tanda na kokontrahin ng marami, at na ang Kanyang kaluluwa ay sasaksakin ng isang tabak (Lucas 2:34–35). Umabot ito sa sukdulan sa Kalbaryo, nang Siya’y nakatayo sa paanan ng krus, nakatingala sa Kanyang bugbog, duguan, at naghihingalong Anak na si Jesus.
Sadyang hindi natin kayang arukin ang lalim ng Kanyang pighati sa sandaling iyon. Subalit sa kabila ng tindi ng dalamhati, hindi Siya nawalan ng pag-asa. Naghugot Siya ng lakas at tapang mula mismo kay Jesus. Nang ipagkatiwala Niya si Juan bilang Kanyang bagong anak, buong pananampalataya at pagsunod itong tinanggap ng Mahal na Ina. Siya’y nanirahan sa bahay ni Juan ayon sa kalooban ng Panginoon.
Gaya ng Mahal na Ina, dumarating din sa ating buhay ang mga sandali ng pagdadalamhati—mga oras na tila ba tinutusok ang ating puso, mga pagsubok na tila hindi natin kayang pasanin, mga panahong sinusubok ang ating pananampalataya.
Ngunit tulad Niya, maaari rin tayong humugot ng lakas kay Jesus. Ang halimbawa ng Mahal na Ina ang nagpapaalala sa atin na ang ating mga pagdurusa ay maaaring maging daan tungo sa mas malalim na pananampalataya—kung pipiliin lamang nating kumapit sa Panginoon.
Humihingi kaba ng lakas at tapang kay Jesus kapag dumarating ang mga oras ng pagdadalamhati? Humihiling ka ba ng panalangin mula sa Mahal na Ina upang maging matatag ang iyong pananampalataya, tulad ng sa Kanya?
Kapag dumating
ang kalungkutan sa iyong buhay, hinahayaan mo nalang ba na ilugmok ka nito? O mas
pinipili mo na bumangon at kumapit kay Jesus, tulad ng ginawa ng Mahal na Ina
sa paanan ng krus? —Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment