Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin?
Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad!
Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
Bakit ba tayo madaling humusga sa ating kapwa? Marahil dahil kulang ang ating puso sa pag-ibig at pagpapatawad. Kung puno ang ating puso ng pag-ibig at pagpapatawad, hindi natin magagawang humusga, sapagkat alam natin na sa sandaling tayo ay humusga, tayo rin ay huhusgahan.
Ano ang kailangan upang hindi tayo maging mapanghusga sa mga nagkamali laban sa atin? Dapat tayong magmahal gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At ang pag mamahal na ito ay hindi karaniwang pag mamahal; ito ay isang radikal na pagmamahal. Ang radikal na pag mamahal ay walang kundisyon—bagkus ito ay pagmamahal na hindi umaasa ng kapalit o gantimpala. Ito ay pag mamahal na nag pagpapatawad.
Ang ganitong uri ng pag-ibig ay nagtuturo sa atin na huwag tumingin sa mga pagkakamali at kakulangan ng iba. Sa halip, itinuturo nitong alalahanin ang kanilang kabutihan sa atin na tiyak na napakadami—ngunit madalas nating ayaw isipin ang mga ginawa sa atin dahil tayo ay alipin ng poot.
Sa susunod na tayo ay matuksong bunutin ang mapanganib na espada ng paghatol, huminto muna tayo. Patahimikin natin ang ating puso at alalahanin ang mga mabubuting katangian ng taong ating hinuhusgahan. Sa ganitong paraan, ginagaya natin si Cristo na hindi nakatingin sa ating mga kasalanan, kundi sa kabutihang itinanim Niya mismo sa ating puso.
Madaling humusga, ngunit ang
magmahal gaya ng pagmamahal ni Cristo ang tunay na napaka hirap. Pipiliin mo ba
ang maging mapang husga, o tatanggapin mo ang radikal na pag-ibig at
pagpapatawad na itinuturo ni Jesus? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment