Monday, September 08, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Martes Setyembre 9 Paggunita kay San Pedro Claver, pari: Lucas 6:12-19


Mabuting Balita: Lucas 6:12-19
Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. 

Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.  

Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 

Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Bahagi ba ng iyong pang-araw-araw na buhay ang panalangin? Bago gawin ni Jesus ang napakahalagang pasya ng pagpili sa Kanyang labindalawang apostol, Siya muna’y umahon sa bundok upang manalangin. Doon, ginugol Niya ang magdamag sa pananalangin sa Diyos (Lucas 6:12).

Ang panalangin ay tila hotline natin sa Diyos; ito ang ating paraan upang makipag-ugnayan sa Kanya. Sa pamamagitan ng panalangin, inaanyayahan natin ang Diyos na makipaglakbay sa ating buhay. Kapag nakasanayan natin ang pananalangin, ang Diyos na tila malayo ay nagiging Diyos na kasama natin.

Ano ang naidudulot ng panalangin? Sa panalangin, tayo ay nakikipag-ugnay sa Diyos. Sa panalangin, pinapawi Niya ang ating pangamba, pinapalakas ang ating loob, ginagabayan tayo, at binibigyan ng karunungan upang makagawa ng tamang desisyon sa buhay, at marami pang iba.

Sino ba sa atin ang hindi magnanais na kasama ang Diyos at Siya’y lumakad kasama natin? Tiyak na lahat tayo ay nagnanais ng presensya ng Diyos sa ating buhay. Kaya naman nararapat lamang na laging may oras tayo para sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Ang ating buhay-pananalangin ay hindi dapat naisasantabi dahil sa makamundong gawain; dapat laging unahin ang panalangin bago ang anumang bagay sa mundong ito.

Ano ang halaga ng kayamanan at kapangyarihan kung hindi tayo nananalangin? Ano ang pakinabang ng lahat ng ating tinatamasa kung ang Diyos ay walang bahahgi sa ating buhay—o kung wala Siya sa atin? 

Darating ang araw na tayo’y mamamatay, at lahat ng ating naipon at naipundar sa mundong ito ay mawawalan ng saysay. Ang tanging mahalaga sa panahong iyon ay ang ating relasyon sa Diyos na nahubog at pinatatag sa pamamagitan ng masigasig at mataimtim na panalangin.

Mga minamahal kay Kristo, ang panalangin ay hindi lamang tungkulin—ito ang nag uugnay upang mapalapit tayo sa Diyos. Sa panalangin, ang ating kahinaan ay nagiging kalakasan, ang kadiliman ay nagiging kaliwanagan, at ang ating nanghihinang katawan ay nagkakaroon ng sigla at kalakasan. Habang mas pinagbubuhusan natin ng oras ang pananalangin, mas nararanasan natin ang Kanyang presensya at mas natututo tayong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.

Ginagawa mo ba ang panalangin bilang pangunahing priyoridad ng iyong araw, o hinahayaan mong lunurin ng mga kalamidad at baha ng mundo ang banayad na tinig ng Diyos na humihimok sa atin na makapiling Siya? – Marino J. Dasmarinas 

No comments: