Mabuting Balita:
Lucas 19:1-10Noong panahong
iyon, pumasok si Jesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo'y may isang
mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo, at pinagsikapan niyang
makita si Jesus upang makilala niya kung sino ito. Ngunit siya ay napakapandak,
at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Jesus.
Kaya't patakbo
siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na
magdaraan doon. Pagdating ni Jesus sa dakong iyon, siya'y tumingala at sinabi
sa kanya, "Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy sa
bahay mo." Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus.
Lahat ng nakakita
nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan,"
wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, "Panginoon, ibibigay ko po sa mga
dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako'y may nadayang sinuman, apat
na ibayo ang isasauli ko sa kanya." At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang
kaligtasa'y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito.
Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw."
+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang
kuwento tungkol sa isang lalaki na naghangad maging mayaman dahil inisip niyang
kapag siya ay yumaman, saka lamang siya magiging tunay na masaya. Ginawa niya
ang lahat para maabot ang kanyang pangarap—kahit ang dumihan ang kanyang mga
kamay sa hindi tapat na paraan.
Sa huli,
naging mayaman nga siya, ngunit nanatili pa rin siyang hungkag at hindi
kontento. Hindi payapa ang puso niya—hanggang sa makilala niya si Jesus. Mula
noon, nagbago ang kanyang buhay at natagpuan niya ang kapayapaang matagal na
niyang hinahanap.
Si Zaqueo ay
katulad ng lalaking iyon—at kadalasan, katulad din natin. Naghangad siya ng
kayamanan anuman ang kapalit. Ginamit niya ang kanyang posisyon bilang
maniningil ng buwis upang yumaman, kahit nangangahulugan itong pagyaman sa
maruming paraan. Kung titingnan sa panlabas, mukha siyang matagumpay,
makapangyarihan, at kontento. Ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso, siya ay
hungkag, balisa, at walang kapayapaan.
Marahil
matapos niyang malasap ang lahat ng layaw at impluwensyang dulot ng maruming
yaman, napagtanto niya na may kulang pa rin. Kahit halos lahat ng makamundong
bagay ay nasa kanya na, nananatili pa ring may puwang sa kanyang puso na hindi
kayang punuin ng anumang bagay dito sa mundo. May hinahanap siya—isang
kapayapaang hindi kayang ibigay ng pera o kapangyarihan.
Marami sa
atin ay ganito rin. Hinahabol natin ang kayamanan, tagumpay, katanyagan, at
impluwensya dahil iniisip nating kapag mayroon tayo nito, saka tayo magiging
masaya. Kaya nagsisikap tayo nang husto, nangangalap pa nang higit pa, at
nakikipagkumpitensya—umaasang kapag “nakuha na natin ang lahat,” doon darating
ang tunay na kaligayahan.
Ngunit
madalas, habang dumarami ang ating kayamanan, lalo namang hindi tayo mapakali.
Hindi mahimbing ang tulog, hindi payapa ang isip, at hindi panatag ang
puso—sapagkat hinahabol natin ang mga bagay na hindi kailanman kayang punan ang
ating espirituwal na pagkauhaw.
Ngunit may
nangyari kay Zaqueo. Nang marinig niya si Jesus, may umusbong na pag-asa sa
kanyang puso. Mula noon, ipinangako niya sa sarili na hahanapin niya si Jesus
anuman ang mangyari.
At nang
dumaan si Jesus sa kanilang lugar, tumakbo siya nang buong bilis at lakas.
Hindi niya inalintana ang kapal ng tao. Hindi rin niya ininda ang pag-akyat sa
puno ng sikomoro, basta’t makita lamang si Jesus—ang tanging maaaring magbigay
ng kapayapaan sa kanyang uhaw at pagod na puso.
Natagpuan ni
Zaqueo kay Jesus ang hindi kayang ibigay ng anumang kayamanan at kapangyarihan
at ito rin ang ating madidiskubre pag natagpuan natin Siya.
Mayroon
tayong kani-kaniyang mga hangarin. Mayroon tayong mga pangarap. Mayroon tayong
mga “puno ng sikomoro” na dapat akyatin. Ngunit sa huli, si Jesus lamang ang
nagbibigay ng kapayapaan at kaganapan na tunay nating hinahangad. Walang iba
kundi si Jesus lamang.
Ano ba ang
hinahabol natin? Kapag dumaan ba si Jesus sa ating buhay, handa ba tayong gawin
ang lahat kasama na ang ating pag iwan sa ating mga kasalanan upang Siya ay
makatagpo para tuluyan na niyang baguhin at linisin ang ating puso, pagkatao at
kaluluwa? – Marino J. Dasmarinas