May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayun din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang napangasawa niya silang lahat?”
Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay.
Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’
Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.
Kaya, ikinuwento nila kay Jesus ang tungkol sa isang babaeng nag-asawa ng pitong magkakapatid, at tinanong nila kung sino ang magiging tunay niyang asawa sa muling pagkabuhay. Sa kanilang tanong, hindi sila naghahanap ng katotohanan—minamaliit nila ang turo ni Jesus tungkol sa buhay na walang hanggan.
Madalas, tayo rin ay nagkakaroon ng ganitong pag-iisip. Minsan iniisip nating hanggang dito nalang ba sa mundong ibabaw ang lahat? Kapag natapos ang buhay, tapos na rin ang kahulugan, tapos na ang lahat? Pero kung wala talagang buhay pagkatapos ng kamatayan, ano pa ang saysay ng pagsisikap nating mamuhay nang may kabanalan, kabutihan, at katapatan?
Ito ang katotohanan: may muling pagkabuhay. At nagsisimula na nating ihanda ang ating sarili para rito sa bawat pagkakataong pinipili nating talikuran ang kasalanan at lumapit sa liwanag ng Diyos. Ang bawat taos-pusong pagsisisi, bawat munting kabutihan, bawat pag-ibig at pag papatawad na ipinakita natin—lahat ng ito ay pagtatanim ng binhi ng buhay na walang hanggan. At kapag dumating ang araw ng ating pagpanaw, haharap tayo nang malapitan at personal sa katotohanang ito.
Ipinahayag ni Jesus ang tungkol sa buhay sa kabila ng kamatayan—ang langit, ang walang hanggang buhay, at ang piling ng mga anghel. Ngunit hindi lahat ay makapapasok doon; tanging yaong mga itinuturing na karapat-dapat ayon sa mahabaging mata ng Diyos. Alam Niya ang ating mga sugat, pakikibaka, hangarin, at tahimik na pagsusumikap na mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.
Sa paraan ba ng ating pamumuhay, tunay ba nating inihahanda ang ating puso para sa buhay na walang hanggan—o masyado parin tayong alipin ng mundong pansamantala lamang? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment