Wednesday, November 19, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Biyernes Nobyembre 21 Paggunita sa Pagdadala sa Mahal na Birhen sa Templo: Lucas 19:45-48


Mabuting Balita: Lucas 19:45-48
Noong panahong iyon, pumasok si Jesus sa templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda. Sinabi niya sa mga ito, "Nasusulat: 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyong 'pugad ng mga magnanakaw'."

Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng templo. Pinagsikapan ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng mga pangunahin ng bayan na siya'y ipapatay. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito, sapagkat taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Ang paggunita ng Pagdadala sa Mahal na Birheng Maria sa Templo—na ipinagdiriwang mula pa noong ika-6 na siglo. Si Maria, bagama’t bata pa lamang, ay dinala ng kanyang mga magulang sa templo sa Herusalem at inialay sa Diyos. Ang maagang karanasang ito ang naghanda sa Kanyang puso upang maging “templo ng Anak ng Diyos.”

Pagkatapos linisin ni Jesus ang templo mula sa mga karumihan, araw-araw Siyang nagturo roon. At hanggang ngayon, patuloy Niya tayong tinuturuan sa bawat sandali ng ating buhay. Itinuturo Niya sa atin kung paano mamuhay nang tama, ipinapaalala na ang buhay ay hindi tungkol sa pag-iipon ng kayamanan o karunungan. Para kay Jesus, ang buhay ay paglilingkod. Ang buhay ay kababaang-loob. Ang buhay ay sakripisyo. Ang buhay ay kasimplehan. Ang buhay ay pag-ibig na walang panukat.

Ano kaya ang itinuro ni Jesus sa templo araw-araw? Maaari lamang nating isipin na tinuruan Niya sila kung paano kumilos sa tahanan ng Diyos. Marahil itinuro rin Niya kung paano mamuhay nang kalugud-lugod sa Ama. Mayroon bang huwaran kung paano natin dapat isabuhay ang ating sariling buhay? Siyempre mayroon—ang mismong buhay ni Jesus. Ang Kanyang buhay ang perpektong huwaran ng kabanalan. Ngunit handa ba tayong tahakin ang daang Kanyang tinahak?

Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y maging mga tagapagturo rin tayo tulad Niya. Turuan natin ang ating mga anak tungkol kay Jesus at akayin silang magpakita ng paggalang sa simbahan. Ipagpahayag natin ang buhay ni Jesus hindi lamang sa salita, kundi higit sa ating pang-araw-araw na gawa, sapagkat sa pamamagitan ng ating halimbawa higit nating naipapakita ang Panginoon. Maaaring isipin ng ilan na ang Kanyang paraan ng pamumuhay ay hindi na angkop sa mabilis at makabagong mundo natin ngayon.

Ngunit ito ang katotohanan: Mas mahalaga at mas kailangan natin ang buhay ni Jesus ngayon. Tunay nga, si Jesus ay Tao para sa lahat ng panahon at lahat ng salinlahi. Ang Kanyang mga turo ay laging napapanahon, makapangyarihan, at kailangang-kailangan. Kaya naman, dapat natin Siyang pakinggan ng boung puso at kaluluwa

Tunay ba nating pinakikinggan ang Panginoon? – Marino J. Dasmarinas

No comments: