Mabuting Balita:
Lucas 14:25-33Noong panahong iyon,
sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang
sinabi, "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang
ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay
nang higit sa akin.
Ang
sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring
maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba
uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang
salaping maipagpapatapos niyon?
O
sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang
mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may
dalawampunlibong tauhan?
At kung hindi niya kaya, malayo pa
ang kalaban ay magsusugo na siya ng kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din
naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan
ang lahat sa kanyang buhay."
+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang
kuwento tungkol sa isang lalaki na hinihikayat ng kanyang kaibigan na sumunod
kay Jesus. Kaya’t tinanong ng lalaki ang kanyang kaibigan, “Ano ang makukuha ko
kung susunod ako kay Jesus?” Sumagot ang kaibigan, “Lahat ng mga krus na
pinapasan mo ay maglalaho sa sandaling piliin mong sumunod kay Jesus.”
Naakit ng
pangakong buhay na walang problema, sumunod ang lalaki kay Jesus. Ngunit habang
siya ay lumalakad kasama Niya, napansin niyang ang krus na kanyang pasan ay
lalong bumigat at dumami pa.
Bakit nga
ba tayo sumusunod kay Jesus?
Nang
mapansin ni Jesus na maraming tao ang sumusunod sa Kanya, alam Niyang karamihan
sa kanila ay naroroon dahil sa mga milagro at kagalingang kanilang nasaksihan.
Batid Niya na kapag tumigil Siya sa paggawa ng mga milagro, marami sa kanila
ang tatalikod sa Kanya. Alam ni Jesus kung ano ang tunay na laman ng kanilang
mga puso.
Kaya’t
sinabi Niya, “Ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at
sumusunod sa Akin ay hindi maaaring maging Aking alagad” (Lucas 14:27).
Ano ang
krus na ito na tinutukoy ni Jesus? Ang krus ay sumasagisag sa mga pagsubok,
pasanin, at paghihirap na ating nararanasan kapag pinili nating sumunod sa
Panginoon. Ang pagsunod kay Jesus ay hindi panawagan tungo sa kaginhawaan kundi
tungo sa pagsasakripisyo at katapatan. Hindi ito pangako ng buhay na walang
problema, kundi paanyaya na makisama sa Kanya kahit sa gitna ng ating mga
paghihirap.
Madalas
tayong naniniwala na kapag tinanggap natin si Jesus bilang Panginoon at
tagapagligtas ay, agad Niyang aalisin ang ating mga problema. Iniisip natin na
Siya ay isang Diyos na kayang solusyunan agad ang lahat. Ngunit habang
lumalalim ang ating pananampalataya, napagtatanto natin na may mga pagkakataong
hindi agad inaalis ni Jesus ang ating mga pasanin, hindi agad Niya pinapagaling
ang sugat sa ating mga puso, at tila ba tahimik Siya sa gitna ng ating mga
problema.
Ngunit sa
kabila ng katahimikan, kasama natin Siya. Sa kabila ng sakit, kaisa natin Siya.
Maaaring hindi Niya agad alisin ang ating krus, ngunit binibigyan Niya tayo ng
lakas upang ito’y ating mapasan nang may pananampalataya at pagsasakripisyo.
Sa bawat
luha na pumapatak, iniaalay Niya ang Kanyang balikat; sa bawat pasaning
mabigat, iniaalay Niya ang Kanyang puso.
Pinaaalalahanan
tayo ni Jesus sa Mabuting Balita na ang tunay na pagtalima sa Kanya ay
nangangailangan ng pagtitiyaga, pananampalataya at pagtitiis. Kung nais talaga
nating sumunod sa Kanya, kailangan nating handang pasanin ang ating sariling
krus, magsakripisyo, at iwan ang ating kaginhawaan. Ngunit tiniyak din Niya:
“Huwag kayong mabahala, sapagkat Ako ang bahala sa lahat para sa inyo.”
Ang
pagsunod kay Jesus sa gitna ng ating mga pasanin, pagsubok, at luha ay ang
pinakamagandang desisyong maaari nating gawin sa ating buhay. Sapagkat doon
natin natutuklasan ang kapayapaang hindi galing sa kawalan ng problema, kundi
sa presensiya ni Kristo sa ating mga puso.
Patuloy
pa rin ba tayong susunod kay Jesus kahit mas bumigat ang ating mga krus,
nananalig na sa bawat hakbang, lalo tayong Kanyang inilalapit sa Kanyang
mapagmahal na puso? – Marino J. Dasmarinas