“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.” “Mapalad ang mga nahahapis sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad
ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.” “Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.” “Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
Ano ang ibig sabihin ng pagiging aba sa espiritu, at bakit ito isang pagpapala? Kung paanong ang mga tunay na aba ay umaasa sa kabutihan ng kapwa upang sila ay mabuhay, gayon din, ang pagiging aba sa espiritu ay ang patuloy na pag-asa natin kay Jesus sa lahat ng bagay.
Ang pagiging aba sa espiritu ay ang pagkilala na kung wala si Jesus, wala rin tayong kakayahan. Lahat ng ating taglay ay nagmumula sa Kanya. Umaasa tayo sa Kanyang kabutihan, awa, at habag. Hinahangad natin ang Kanyang presensiya upang tayo ay Kanyang samahan at baguhin ayon sa Kanyang banal na kalooban.
Ngayong ay ating ipinagdiriwang ang Araw ng Lahat ng mga Banal, ating ginugunita ang mga banal—yaong mga taong nag alay ng kanilang buhay alang-alang sa misyon ni Jesus. Ang mga banal ay hindi perpekto; sila ay may kasalanan din tulad natin. Ngunit sa tulong ng grasya ng Diyos, sila ay nagtagumpay sapagkat marunong silang magpakumbaba at magpasakop sa kalooban ng Panginoon.
Ang mga banal ay naging banal dahil alam nila na walang saysay ang kanilang buhay kung wala ang Diyos. Nabatid nila na ang buhay ay walang halaga kung wala ang paggabay ni Jesus. Tulad nila, tayo rin ay tinatawagan ng Diyos na magpakabanal—sa pamamagitan ng ating pagpapakumbaba, pagsisisi sa ating mga kasalanan at sa pag aalay ng ating buhay sa Diyos.
Lahat tayo ay maaaring maging mga banal sa ating mundong ginagalawan sa ngayon—at ito ay mangyayari kapag kinikilala natin na walang silbi ang ating buhay pag hindi natin kasama si Jesus sa ating buhay.
Handa ba tayong tanggapin ang ating pangangailangan sa Diyos, at hayaang si Jesus ang pumuno at magpabanal sa ating mga puso upang tayo din ay mabuhay tulad ng mga santo sa mundong ito? — Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment