Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko."
Marami sa atin ang tila nasanay na lamang sa paulit-ulit na takbo ng buhay: gigising sa umaga, papasok sa trabaho, kinahapunan at uuwi, at kinabukasan ay uulitin na naman ang ganong pag ikot ng ating buhay. Minsan, pakiramdam natin ay parang mga robot tayong kumikilos sa mundong ito—walang malinaw na direksyong nagtuturo sa atin tungo sa isang buhay na makabuluhan at malalim.
Hangang dito na lang ba talaga tayo sa mundong ito, paano pag pumanaw na tayo saan ba tayo tutungo? Ngayong araw ay ginugunita natin ang araw ng mga kaluluwa—sila na nauna na sa atin. Ang ating panalangin ay sana sila ay nasa langit na kapiling ang Panginoon at sana sa panahong itinakda ng Diyos tayo ay magkikita-kita parin sa kanyang kaharian.
Sa ating Mabuting Balita, pinaaalaala sa atin ni Jesus na hindi tayo nilikha upang mabuhay sa kawalan o sa paulit-ulit na gawain lamang. Ipinahayag Niya sa atin ang daan tungo sa isang buhay na may tunay na kahulugan, sa gitna ng ating pagkaabala sa mundong ito. Sinabi Niya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
Ang pahayag na ito ni Jesus ay hindi lamang isang simpleng pananalita—ito ay isang paanyaya. Inaanyayahan Niya tayong lumakad kasama Siya, gawing sentro Siya ng ating araw-araw na buhay, at matuklasan sa Kanya ang kahulugang matagal nang hinahanap ng ating mga puso.
Kaya, kailangan nating magtanong: tunay ba nating hinahayaan na samahan tayo ng Panginoon sa bawat araw ng ating buhay? May pagnanais pa ba tayong mas makilala Siya, o masyado na tayong nasanay sa ating mga buhay araw-araw kaya hindi na natin hinahanap ang Kanyang presensya?
Nang sabihin ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay,” tinuturuan nya ang Kanyang mga alagad—at tayong lahat—na sumunod sa Kanya upang maunawaan natin ang tunay na diwa ng buhay.
Ang kahulugang hinahanap natin ay hindi matatagpuan sa mga bagay na panandalian at makamundo. Ang mga pinanghahawakan natin ngayon ay lilipas din balang araw, ngunit ang gantimpalang naghihintay sa langit ay mananatili magpakailanman.
Kaya’t tinatawag tayo ni Jesus na mamuhay hindi para sa pansamantala, kundi para sa walang hanggan; hindi para sa ating sarili, kundi para sa Kanya na nagbibigay ng tunay na kahulugan sa ating buhay.
Handa ba tayong talikuran ang ating buhay na naka sentro lamang sa mundong ito para sundan si Jesus nang buong puso? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment