Si Esrom ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang anak ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam, si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya naman ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ng kanyang mga kapatid. Panahon noon nang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda ng pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria'y natagpuang nagdadalang-tao. Ito'y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan ito ng lihim.
Sino ang nagdala sa atin sa mundong ito? Ang ating mga ina. Sino ang humubog sa atin noong kabataan natin? Sila rin ang ating mga ina. Kanino natin higit na iniuugnay kung sino tayo ngayon? Sa ating mga ina.
Sa buong buhay ni Jesus, Siya ay ginabayan ng Mahal na Birheng Maria. Mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus, naroon ang Mahal na Birhen para sa Kanya. Siya ang ina na laging naroroon, matiisin at mapag-alaga; Siya ang nag-aruga kay Jesus, gumabay sa Kanya, at hindi kailanman iniwan ang Kanyang tabi hanggang sa huling kanyang hininga.
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit natin lubos na pinararangalan ang Mahal na Birheng Maria; at ito rin ang dahilan kung bakit hinihiling natin sa Kanya na ipanalangin nya tayo at dalhin nya ang ating mga panalangin kay Jesus. Sapagkat matibay ang ating paniniwala na Siya ay makapamamagitan sa harap ng Kanyang Anak alang-alang sa atin.
Ang bawat mabuting anak ay nakikinig sa kahilingan ng kanyang ina. Ito ang ating pinaniniwalaan; kaya’t hanggang ngayon, nananatiling matatag ang ating debosyon sa Mahal na Birheng Maria. Sa kapanganakang ito ng Mahal na Birhen, patuloy natin Siyang parangalan at ipalaganap ang debosyon sa Kanya.
Tignan din natin ang ating sariling mga ina. Sila ay tumatanda na, ang kanilang dating maliksi at masiglang katawan ay unti-unting bumabagal at nanghihina sa bawat araw. Alagaan natin sila, parangalan natin sila, at mahalin natin sila, sapagkat sila ay larawan ng Mahal na Birheng Maria.
Ang Mahal na Birhen Maria ay nagpapaalala sa atin na ang pagiging ina ay hindi lamang pagbibigay-buhay, kundi kasama rin ang walang hangang pag-ibig, paggabay, at pagdamay. Kapag ating pinararangalan ang Mahal na Birheng Maria, pinararangalan din natin ang lahat ng ina na tahimik na nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak.
Kumusta ang iyong debosyon sa Mahal
na Birhen? At kumusta ang iyong pagmamahal at pagtanaw ng utang na loob sa
iyong sariling ina? Sa kapistahang ito, pipiliin mo ba na higit pang palalimin
ang iyong debosyon kay Maria at ipakita ang iyong pagmamahal sa iyong ina—bago
pa mahuli ang lahat? — Marino J. Dasmarinas








