Friday, September 05, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Ssetyembre 7, Ika-23 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 14:25-33


Mabuting Balita: Lucas 14:25-33
Noong panahong iyon, sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 

Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? 

O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? 

At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay."
+ + + + + + +
Repleksyon:
Nakapakinig o nakapanood ka na ba ng isang patotoo tungkol kay Jesus? Kadalasan, ang mga patotoong ito ay nagsasalaysay ng napakaraming biyayang tinanggap ng tao mula sa Panginoon. Subalit, kalakip din ng mga kuwentong ito ang kanilang mga paghihirap at krus—at kung paanong si Jesus mismo ang tumulong sa kanila upang pasanin ang mga ito. 

Sa ating pong Mabuting Balita ay, tuwirang nagsasalita sa atin si Jesus tungkol sa katotohanan ng paghihirap at krus na kaakibat ng pagsunod sa Kanya. Sabi Niya: “Ang sinumang hindi magpasan ng kanyang sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” Hindi ito mga salitang upang takutin tayo, kundi upang gisingin tayo sa tunay na halaga—at higit na kagalakan—ng ganap na pagsunod kay Jesus. 

Ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugang handa tayong pasanin ang ating mga sariling krus at tiisin ang ating bahagi ng mga pagsubok. Sapagkat sa mismong mga sandaling ito natin nararanasan ang kanyang pag gabay sa atin. Kung iisipin natin na ang pagsunod kay Kristo ay puro kaginhawahan—na para bang ang buhay ay puro rosas—hindi natin tunay na madadama ang Kanyang pakikisama sa ating buhay. 

Ang tunay na pagsunod kay Kristo ay hindi nasusukat sa gaan o sa dami ng biyayang tinatanggap, kundi sa ating kahandaang dumaan sa mga pagsubok at mag pasan ng ating krus para sa Kanya. Dahil ito ang tunay na tanda ng pagiging isang tunay na alagad ni Jesus. 

Sa katahimikan ng ating puso, magnilay po tayo sa ating sariling paglalakbay kasama Siya. Niyayakap ba natin ang krus ng mga pagsubok  na dumadaan sa ating mga buhay? Hinihiling ba natin kay Jesus na tulungan tayong mag pasan ng mga krus na ito? – Marino J. Dasmarinas

1 comment:

Anonymous said...

๐Ÿ™Amen ๐Ÿ™