Tuesday, September 02, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Miyerkules Setyembre 3 Paggunita kay San Gregorio Magno, papa at pantas ng Simbahan: Lucas 4:38-44

Mabuting Balita: Lucas 4:38-44
Noong panahong iyon, umalis si Jesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenan ni Simon, kaya't ipinamanhik nila kay Jesus na pagalingin siya. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di'y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila. 
Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit -- anuman ang karamdaman -- ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Jesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila.

Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabay sigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias. 

Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin." At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.
 + + + + + + +
Repleksyon:
Ano ang ginagawa mo pagkagising mo sa umaga? Hinahanap mo ba ang pagkakataong mapag-isa upang makipag usap Diyos? Sa Mabuting Balita, sa pagbubukang liwayway si Jesus ay pumunta sa isang ilang na lugar upang manalangin sa Diyos.

Kahit gaano Siya kaabala sa Kanyang paglilingkod, laging nakahanap si Jesus ng oras para sa Diyos. Bakit? Sapagkat dito Siya humuhugot ng lakas—sa Kanyang palagiang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ikaw ba ay humuhugot din ng lakas mula sa Diyos? Nananabik ka rin bang makipag usap kay Jesus araw-araw?

Napakahalaga ng laging pakikipag-ugnayan kay Jesus, sapagkat sa pamamagitan Niya ay hindi ka kailanman maliligaw sa mundong tigib ng kasalanan. Kay Jesus ay may katiyakan kang proteksiyon laban sa mga bitag ng dimonyo. Nadarama mo rin ba minsan na tila naliligaw ka o nabibigatan sa mga pagsubok ng buhay? Kung gayon, huwag kang mag-atubiling lumapit kay Jesus. Humingi ka ng direksiyon at gabay sa kanya at tiyak na ipagkakaloob Niya ito sa iyo.

Palaging nating kasama si Jesus. Siya’y laging handang tumulong, magpalakas, at umakay sa atin kapag hindi natin alam kung saan tutungo. Tumawag tayo palagi sa kanya dahil lahat ng tumatawag kay Jesus ay kanyang pinapakinggan.

Hinahanap mo ba palagi ang mapagmahal na presensya ni Jesus sa iyong buhay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: