Noong panahong iyon, nagpunta si Jesus sa Capernaum, Galilea. Nagturo siya sa mga tao sa Araw ng Pamamahinga at nagtaka sila sa kanyang pagtuturo, sapagkat may kapangyarihan kung siya'y magsalita.
Naroon sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng demonyo o isang masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas: "Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret?
Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka -- ikaw ang Banal ng Diyos." Subalit pinagwikaan siya ni Jesus, "Tumahimik ka! Lumayas ka sa taong iyan!" At sa harapan ng lahat, ang tao'y inilugmok ng demonyo at iniwan nang hindi man lamang sinaktan.
Nanggilalas silang lahat at nagsabi sa isa't-isa, "Anong uri ng pangungusap ito? Makapangyarihan at mabisa! Pinalalayas niya ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!" At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Kinikilala mo ba ang kapangyarihan at awtoridad ni Jesus sa iyong buhay?
Kapag nagsasalita si Jesus, Siya ay nagsasalita na may kapangyarihan—at dahil dito, tayo ay tinatawagan na makinig nang may bukas na puso. Ang Kanyang mga salita ay hindi lamang mga payo, kundi mga salitang nagbibigay-buhay na naglalayong baguhin tayo.
Isipin natin ang Kanyang mga aral tungkol sa pag-ibig, pagpapatawad, at pagpapakumbaba. Tayo ba’y tunay na umiibig at nagpapatawad gaya ng pagmamahal at pagpapatawad ni Jesus sa atin? Isinasabuhay ba natin ang pagpapakumbaba?
Halimbawa, kapag may hindi pagkakaunawaan sa pamilya, kaya ba nating magpakumbaba at mag-abot ng kamay ng pagpapatawad kahit hindi tayo ang nagkamali? Ito ang uri ng pagpapakumbaba na nais ni Jesus—isang pagpapakumbaba na nagpapagaling ng sugatang ugnayan, nagbabalik ng kapayapaan, at nagsasalamin ng Kanyang pusong mapagkumbaba.
Sa ating Ebanghelyo, maging ang demonyo ay kumilala sa kapangyarihan at awtoridad ni Jesus. Kung siya na masama ay nakinig at lumuhod sa Kanya, gaano pa kaya tayo? Subalit madalas, tayo’y nagbubulag-bulagan. Sa halip na sumuko sa Panginoon, hinahayaang manaig ang ating makasariling pagnanasa. Sa ganoong paraan, isinasara natin ang ating mga tainga sa tinig ng Nagbibigay-buhay.
Ang totoo, mahina tayo pagdating sa pagpapatawad, pagpapakumbaba, at pag-iwas sa kasalanan. Hindi madaling magpatawad, umiwas sa tukso, at magpakumbaba. Bakit? Sapagkat mas pinipili natin ang ating sariling kagustuhan kaysa sundin ang mga aral ni Jesus.
Ngunit kung nais nating magkaroon ng tunay na kapayapaan at katahimikan sa ating buhay, kailangan nating makinig kay Jesus. Ang Kanyang mga salita ang nag-aalis ng unos sa ating puso at nagdadala ng pagkakaisa sa ating tahanan. Kung wala si Jesus.
Kaya kailagan nating magnilay at makinig sa tinig ni Jesus. Sapagkat sa Kanyang awtoridad ay may kalayaan, sa Kanyang kapangyarihan ay may kapayapaan, at sa Kanyang pag-ibig ay may kapanatagan para sa ating mga pagod na kaluluwa.
Sumusunod ka ba kapangyarihan at awtoridad ni Jesus? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment