Noong panahong iyon, sinabi ng mga Pariseo at mga eskriba kay Jesus: "Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin. Gayon din ang alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang mga alagad mo'y patuloy ang pagkain at pag-inom." Sumagot si Jesus, "Pag-aayunuhin ba ninyo ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kung wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno."
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga; "Walang pumiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma. Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlan.
Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. at walang magkakagustong uminom ng bagong alak kapag nakainom na ng inimbak, sapagkat sasabihin niya, 'Masarap ang inimbak.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Masusukat ba natin ang kadalisayan ng puso ng isang tao sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga tradisyon o ritwal gaya ng pag-aayuno? Ang sagot ay hindi. Sapagkat ang mga panlabas na gawaing ito, bagama’t nakikita, ay nananatiling mababaw; hindi nito ganap na naipapakita ang tunay na laman ng kalooban.
Halimbawa, kung ang isang tao ay palaging nasa simbahan, masasabi ba agad nating siya ay banal? Hindi! Sapagkat ang kabanalan ay hindi nasusukat sa madalas na pagpunta sa banal na lugar kundi sa kadalisayan ng puso at sa kabutihan ng kanyang mga gawa. Kinakailangan nating suriin nang mas malalim ang ating kapwa upang makilala natin ang tunay nyang pagkatao.
Minsan, tinanong si Jesus ng mga eskriba at Pariseo kung bakit hindi nag-aayuno ang Kanyang mga alagad gaya nila at ng mga tagasunod ni Juan Bautista. Simple ang sagot ni Jesus: “Hindi sila maaaring mag-ayuno habang kasama pa nila ako.” Ipinahihiwatig Niya na ang Kanyang presensya ay higit na mahalaga kaysa panlabas na ritwal.
Tunay na mabuti ang pag-aayuno. Nakapaglilinis ito ng katawan at nakatutulong upang mapadalisay ang kaluluwa. Ngunit ano ang saysay ng pag-aayuno kung patuloy pa rin tayong nagkakasala? Ano ang silbi ng pag-aayuno kung ginagawa lamang natin itong pamantayan upang husgahan ang iba? Ano ang kabuluhan ng pag-aayuno kung hindi naman ito nagdudulot ng pagbabagong-buhay at pagbabalik loob sa Diyos?
Ang buhay kasama ang Panginoon ay hindi umiikot lamang sa panlabas na pagsunod sa tradisyon, kundi higit sa lahat, sa pagbabagong nagmumula sa ating kalooban. Ang pagbabagong-loob ay higit na mahalaga kaysa pag-aayuno. Ang kababaang-loob ay higit na mahalaga kaysa pag-aayuno. Ang awa, pagmamahal, at pagpapatawad ay higit na mahalaga kaysa pag-aayuno. At higit sa lahat, ang buhay na nakaugat kay Jesus ay higit na mahalaga kaysa pag-aayuno.
Kaya’t huwag lamang tayong tumingin sa panlabas na kaanyuan o ginagawa, kundi sikapin natin na magkaroon tayo ng tunay na pagbabago ng ating mga puso. Sapagkat ito ang gusto ni Jesus at sa piling lamang Nya natin matatagpuan ang tunay na kabanalan. — Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment