Wednesday, September 03, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Setyembre 4 Huwebes sa Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 5:1-11


Mabuting Balita: Lucas 5:1-11
Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Generaset. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.  

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayun nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat.  

Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.”  

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayun din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
 + + + + + + +
Repleksyon:
May isang kuwento tungkol sa mag-asawa na inimbitahan ng kanilang kapitbahay upang sumama sa kanilang lingguhang Bible sharing. Pero sumagot sila na hindi sila karapat-dapat dahil sila ay makasalanan. 

Ngunit ang kanilang masigasig na kapitbahay ay mahinahong nagpapaalala: “Walang sinuman ang perpekto. Tayong lahat ay makasalanan, sapagkat napakaraming beses na nating nasaktan ang Diyos. Subalit sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at awa, patuloy Niya tayong tinatawag upang sumunod at maglingkod sa Kanya.” 

Sa atin pong Mabuting Balita, inutusan ni Jesus si Simon na pumalaot at ibaba ang kanilang mga lambat. Pero pagod na pagod na sila mula sa magdamagang pangingisda na walang nahuli, kaya sumagot si Simon: “Guro, magdamag kaming nagsikap at wala kaming nahuli, ngunit sa iyong salita ibababa ko ang mga lambat.” 

At sa kanilang pagsunod, sila ay pinagpala ng napakaraming isda—higit pa sa kanilang inaasahan—hanggang sa halos mapunit ang kanilang mga lambat. Nabigla si Simon at bumagsak sa paanan ni Jesus, nagsasabing: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y isang makasalanang tao.” 

Sino ba ang tunay na karapat-dapat sa Panginoon? Sino ba ang ganap na kwalipikadong sumunod sa Kanya? Wala ni isa. Sapagkat tayong lahat ay makasalanan. Ngunit hindi kailanman dapat maging dahilan ang ating pagiging makasalanan upang iwasan natin ang Diyos. Sa halip, ito ang dapat maging dahilan upang lalo tayong lumapit sa Kanya at talikuran ang ating buhay ng kasalanan. 

Pag sumunod tayo kay Jesus at tuluyan ng iwan ang ating buhay ng pagkakasala tayo po ay lilinisin nya. Kalilimutan nya ang ating madilim na nakaraan. 

Kaya’t huwag tayong matakot na sumunod kay Jesus. Lumapit tayo nang may pagpapakumbaba sapagkat higit ang Kanyang biyaya at awa para sa atin kaysa ating mga kasalanan. 

Susunod kaba kay Jesus? – Marino J. Dasmarinas

No comments: