Mabuting Balita: Mateo 23:1-12Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus
sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga eskriba at ang mga Pariseo
ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang
itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan
ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang
ipinangangaral.
Nagbibigkis
sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw
nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang
kanilang mga gawa, Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan
ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila'y ang mga upuang
pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig
nila'y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro.
Ngunit
kayo-- huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong
lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa,
sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na
tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila
sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang
nagpapakababa ay itataas."
+ + + +
+ + +
Repleksyon:
Isinasabuhay
mo ba ang iyong mga ipinangangaral?
Ang
kasabihang “Gawin mo ang iyong mga sinasabi” ay hindi lamang prinsipyo ng
pamamahala—ito rin ay paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano. Ano ang ibig
sabihin nito? Ibig sabihin, isinasagawa natin ang ating sinasabi, at tayo mismo
ang nagbibigay ng halimbawa.
Halimbawa,
kung ang isang pinuno ay nag-uutos sa kanyang nasasakupan na gumawa ng isang
bagay, dapat siya mismo ang unang kumilos. Sa ganitong paraan, hindi lang siya
nag-uutos—nagbibigay rin siya ng halimbawa sa pamamagitan ng kanyang sariling
buhay.
Noong
panahon ni Jesus, maraming Pariseo at eskriba ang kinikilalang mga pinuno ng
kanilang mga komunidad. Ngunit madalas, ang kanilang pamumuno ay nauuwi lamang
sa pagbibigay ng mga utos, nang hindi ipinapakita ang sariling halimbawa. Nananatili
sila sa kanilang mga luklukan at minamasdan lamang ang mga tao mula sa malayo,
imbes na makibahagi sa kanilang mga ginagawa.
Ngunit
si Jesus ay nagpakita ng ibang uri ng pamumuno. Para sa Kanya, ang tunay na
pamumuno ay laging nakaugat sa sariling halimbawa. Isinagawa Niya ang Kanyang
ipinangaral. Siya mismo ang nagdala ng Krus bago Niya hiniling sa atin na
buhatin din natin ang ating krus.
Siya
mismo ang nagpakumbaba bago Niya tayo inutusan na maging mapagpakumbaba. Sa
isang pamilya, halimbawa, kapag tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga
anak na mamuhay nang may disiplina, katapatan, at kabutihan, ang kanilang mga
salita ay nagiging makapangyarihan lamang kung ito ay sinusuportahan ng
kanilang sariling pagpapakita ng gawa.
Halimbawa,
sasabihin ng magulang sa kanilang mga anak na huwag silang palagin mag
facebook, kundi mag basa at mag-aral dahil ito ay mas mabuti. Pero paano sila
susunod kung nakikita nilang palaging naka online sa facebook ang kanilang
magulang.
Hindi
ba’t napapanahon pa rin ang karunungan ni Jesus sa ating buhay ngayon? Kung
nais nating sundin tayo ng iba, kung nais nating magkaroon ng paggalang mula sa
mga taong ipinagkatiwala sa atin, kailangan muna nating ipakita ang tamang
halimbawa. Ganito namuhay si Jesus, at ganito Siya namuno—sa pamamagitan ng
pag-ibig, pagpapakumbaba, at sakripisyo.
Kaya’t
magnilay tayo: Paano ba ako bilang isang indibidwal, magulang o marahil bilang
isang pinuno? Kontento na ba ako sa pagbibigay lamang ng mga utos, o nagsisikap
ba akong isabuhay ang aking itinuturo? Sinasabi ko lang ba ang tungkol sa
pananampalataya, o ipinapakita ko rin ba ito sa aking gawa?
Nawa’y
lagi nating tandaan na ang pinakamabisang pangangaral ay hindi nagmumula sa
ating mga salita, kundi sa patotoo ng ating pamumuhay. At nawa, tulad ni Jesus,
mapalapit natin ang iba sa Diyos sa pamamagitan ng ating araw-araw na pamumuhay
at halimbawa. – Marino J. Dasmarinas