Thursday, August 28, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Biyernes Agosto 29 Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista: Marcos 6:17-29


Mabuting Balita: Marcos 6:17-29
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito'y asawa ni Felipe kapatid ni Herodes ngunit ito'y kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, "Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid." 

Kaya't si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya ito magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito'y taong matuwid at banal, kaya't ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagama't labis siyang nababagabag sa sinasabi nito.  

Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak ni Herodias at nagsayaw. 

Labis na nasiyahan si Herodes at mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo." At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin.  

Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina. "Ano ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan Bautista," sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. "Ang ibig ko po'y ibigay ninyo ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista," sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga.  


Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
 + + + + + + +
Repleksyon:
Saan nagmumula ang tapang ni Juan Bautista? Ang kanyang tapang ay nagmumula sa Diyos; sa Kanya siya kumukuha ng lakas. Ang Diyos mismo ang nagbibigay-lakas kay Juan upang ipahayag ang katotohanan at tuligsain ang makasalanang relasyon nina Herodes at Herodias. Sa harap ng isang makapangyarihang pinuno, hindi kailanman nag-atubili si Juan. Matatag siyang nanindigan at buong pusong sumunod sa mga pahiwatig ng Banal na Espiritu Santo. 

Kung tayo kaya ang haharap sa ganitong pagsubok, kaya rin ba nating manindigan? Kaya ba nating tumingin nang diretso sa mata ng mga tiwali at imoral, o magbigay ng tapat na paalala sa mga naliligaw ng landas? Halimbawa, kung matuklasan mong may pagtataksil ang iyong asawa, pipikit ka na lamang ba at magbubulag-bulagan na parang walang nangyayari?

 Siyempre hindi! Bilang mga anak ng Diyos, tungkulin nating ipagtanggol ang katotohanan at ituwid ang mali, gaano man ito kahirap at gaano man kalaki ang kapalit.

Maraming mga martir at santo ng Simbahan ang tumahak sa parehong daang tinahak ni Juan Bautista. Katulad niya, sila man ay nagbuwis ng buhay, subalit ang kanilang sakripisyo ay naging maningning na patotoo ng pananampalataya.

Ganito ang tunay na pagiging alagad ni Kristo: ang maging handang isuko ang ating kaginhawaan, ang ating kapanatagan, at maging ang ating mismong buhay, upang hindi manaig ang kasamaan laban sa kabutihan.

Ang pananahimik, ang pagbubulag-bulagan, at ang pagbibingi-bingihan sa kabila ng lantarang pag gawa ng kasalanan at katiwalian—ay tanda ng pakikiayon sa kasamaan.

Katulad ka ba ni Juan Bautista? – Marino J. Dasmarinas

No comments: