Thursday, August 21, 2025

Ang Mabuting Balita Agosto 23 Sabado sa Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon: Mateo 23:1-12


Mabuting Balita: Mateo 23:1-12
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral.   

Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa, Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila'y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila'y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro.   

Ngunit kayo-- huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas."

+ + + + + + +

Repleksyon:

Isinasabuhay mo ba ang iyong mga ipinangangaral? 

Ang kasabihang “Gawin mo ang iyong mga sinasabi” ay hindi lamang prinsipyo ng pamamahala—ito rin ay paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, isinasagawa natin ang ating sinasabi, at tayo mismo ang nagbibigay ng halimbawa. 

Halimbawa, kung ang isang pinuno ay nag-uutos sa kanyang nasasakupan na gumawa ng isang bagay, dapat siya mismo ang unang kumilos. Sa ganitong paraan, hindi lang siya nag-uutos—nagbibigay rin siya ng halimbawa sa pamamagitan ng kanyang sariling buhay. 

Noong panahon ni Jesus, maraming Pariseo at eskriba ang kinikilalang mga pinuno ng kanilang mga komunidad. Ngunit madalas, ang kanilang pamumuno ay nauuwi lamang sa pagbibigay ng mga utos, nang hindi ipinapakita ang sariling halimbawa. Nananatili sila sa kanilang mga luklukan at minamasdan lamang ang mga tao mula sa malayo, imbes na makibahagi sa kanilang mga ginagawa. 

Ngunit si Jesus ay nagpakita ng ibang uri ng pamumuno. Para sa Kanya, ang tunay na pamumuno ay laging nakaugat sa sariling halimbawa. Isinagawa Niya ang Kanyang ipinangaral. Siya mismo ang nagdala ng Krus bago Niya hiniling sa atin na buhatin din natin ang ating krus. 

Siya mismo ang nagpakumbaba bago Niya tayo inutusan na maging mapagpakumbaba. Sa isang pamilya, halimbawa, kapag tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mamuhay nang may disiplina, katapatan, at kabutihan, ang kanilang mga salita ay nagiging makapangyarihan lamang kung ito ay sinusuportahan ng kanilang sariling pagpapakita ng gawa. 

Halimbawa, sasabihin ng magulang sa kanilang mga anak na huwag silang palagin mag facebook, kundi mag basa at mag-aral dahil ito ay mas mabuti. Pero paano sila susunod kung nakikita nilang palaging naka online sa facebook ang kanilang magulang. 

Hindi ba’t napapanahon pa rin ang karunungan ni Jesus sa ating buhay ngayon? Kung nais nating sundin tayo ng iba, kung nais nating magkaroon ng paggalang mula sa mga taong ipinagkatiwala sa atin, kailangan muna nating ipakita ang tamang halimbawa. Ganito namuhay si Jesus, at ganito Siya namuno—sa pamamagitan ng pag-ibig, pagpapakumbaba, at sakripisyo. 

Kaya’t magnilay tayo: Paano ba ako bilang isang indibidwal, magulang o marahil bilang isang pinuno? Kontento na ba ako sa pagbibigay lamang ng mga utos, o nagsisikap ba akong isabuhay ang aking itinuturo? Sinasabi ko lang ba ang tungkol sa pananampalataya, o ipinapakita ko rin ba ito sa aking gawa? 

Nawa’y lagi nating tandaan na ang pinakamabisang pangangaral ay hindi nagmumula sa ating mga salita, kundi sa patotoo ng ating pamumuhay. At nawa, tulad ni Jesus, mapalapit natin ang iba sa Diyos sa pamamagitan ng ating araw-araw na pamumuhay at halimbawa. – Marino J. Dasmarinas

No comments: