Tuesday, August 26, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Miyerkules Agosto 27 Paggunita kay Santa Monica: Mateo 23:27-32


Mabuting Balita: Mateo 23:27-32
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, "Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti kayo, ngunit ang totoo, punong-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan." 

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta at ginagayakan ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. At sinasabi ninyo, 'Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi namin ipapapatay ang mga propeta.' 

Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!  
+ + + + + + +
Repleksyon:
 May isang kuwento tungkol sa isang politiko na may pambihirang kakayahang makaantig sa damdamin ng mga tao. Marunong siyang magsalita ng wika ng karaniwang tao, nahuhuli nya ang kanilang simpatiya, at nangako ng tulong kung siya ay ihahalal sa puwesto.

Sa madaling salita, siya ay nahalal hindi dahil sa gawa, kundi dahil sa kanyang matamis na pananalita at imahe na ipinakita. Subalit sa kasamaang palad, nang siya ay makaupo na sa kapangyarihan, hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.

Sa Ebanghelyo, kinondena ni Jesus ang pagkukunwari ng mga eskriba at Pariseo. Labis silang nakatuon sa panlabas na anyo at anyong kabanalan, ngunit nakalimutan nila ang higit na mahalaga—ang kalinisan ng puso at ang tunay na pagbabagong-loob.

Hindi sana ikinagalit ni Jesus kung sila man ay nahirapang sundin ang sarili nilang itinakdang pamantayan, basta’t buong puso silang nagsikap na magpakabanal at magkaroon ng malinis kaisipan at konsyensya.

Ang nais ni Jesus ay ang kanilang pagbabalik-loob, ang pag iwas sa kasalanan, at ang pagpapahintulot sa biyaya ng Diyos na magpabago sa kanila. Ngunit sa halip na tanggapin ang mapagmahal na pagtutuwid ni Jesus, pinatigas nila ang kanilang mga puso, sila’y na-offend pa, at sa huli’y nagplano ng masama laban kay Jesus.

Kung ating susuriin nang tapat ang ating sarili, makikita natin na hindi rin tayo malayo sa ganitong ugali. May mga pagkakataong nagtatakip tayo ng anyo ng kabanalan—maayos sa panlabas—ngunit pinababayaan ang mas mahalagang panawagan: ang paglilinis, pagbabagong-loob, at pagbabalik kay Kristo mula sa ating kalooban.

Subalit  may pag-asa parin dahil binibigyan tayo ng Diyos ng panahon. Panahon upang iwaksi ang lahat ng pagkukunwari, pagyayabang, at pagmamanipula. Panahon upang buksan ang ating sarili sa Kanyang habag at pagtuturo.

Hinihikayat Niya tayong mamuhay nang tapat, mapagpakumbaba at mapuspos ng pag-ibig. Nawa’y piliin nating sundan si Jesus at hindi ang mga huwad mga makapangyarihang tao ng mundo na walang hangad kundi ang kanilang pansariling kapakanan.  —Marino J. Dasmarinas

No comments: