Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok. “Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’
At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’
Tatangis
kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng
Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y
ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran,
sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may
nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Saan kaya tayo mapupunta matapos ang ating paglalakbay dito sa mundo? Isa itong tanong na walang sinuman ang makapagsasabi nang tiyak. Hindi natin tunay na alam kung ano ang naghihintay sa atin; subalit sa Kanyang walang hanggang pag-ibig, binibigyan tayo ni Jesus ng isang pahiwatig—kung saan tayo patutungo. Kapag pinili nating sumunod at manatiling tapat sa Kanya nang buong puso, makakapasok tayo sa Kanyang walang hanggang kaharian, kasama sina Abraham, Isaac, Jacob, at ang lahat ng mga propeta na nauna na sa atin.
Ngunit hindi madali ang pagsunod kay Jesus. Ito ay nangangailangan ng sakripisyo at pusong handang bitiwan ang mga bagay na pinapahalagahan ng mundo. Handa ba tayong isuko ang ating kayamanan—o kahit bahagi nito—upang bigyan ng pagkakataong mabuhay nang may dignidad ang iba?
Handa ba tayong iwan ang trabahong malaki ang kita kung ang kapalit naman ay paglilingkod sa mga dukha at nasa laylayan? Kaya ba nating lunukin ang ating pride at abutin ang kamay ng mga nasaktan natin o ng mga nakasakit sa atin? Kaya ba nating talikuran ang mga bisyo, maling gawi, o relasyon na nagtutulak sa atin sa pagkakasala? Ilan lamang ito sa napakaraming sakripisyong kailangan nating yakapin kung nais nating sumunod sa yapak ni Jesus.
Ang sumunod kay Jesus ay hindi tungkol sa pagtamasa ng kayamanan, kapangyarihan at kasiyahan sa mga makamundong bagay. Sa halip, ito ay tungkol sa pagtalikod sa anumang makasalanan at panandalian, at sa pagtanggap ng mga bagay na higit na magpapalapit sa atin kay Jesus.
Ito rin ay tungkol sa pagbitiw sa lahat ng humahadlang sa atin upang madama ang Kanyang wagas na pag-ibig. Kung ang ating mga kaibigan, asal, o relasyon ay lalong nagpapalayo sa atin kay Jesus, kailangan nating magkaroon ng lakas ng loob na iwanan ang mga ito upang mas mapalapit tayo sa Kanya.
Ang pagsunod kay Cristo ay ang pagsuko ng ating buhay para sa kanya. Sa pagbitiw natin sa mga bagay na pinahahalagahan ng mundo, natutuklasan natin ang tunay na kayamanan ng langit: kapayapaang hindi nawawala, kagalakang hindi kayang agawin sa atin ng kahit sino , at pag-ibig na walang hanggan.
Nawa’y huwag
nating malimutan na ang bawat sakripisyong iniaalay natin para kay Jesus ay
hindi kailanman masasayang. Sapagkat ang anumang isinusuko natin dito sa mundo
ay Kanyang ibibigay nang higit pa pag dating natin sa Kanyang kaharian. –
Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment