Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno.
“Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa.
Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa.
Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Isinasabuhay mo ba ang iyong pananampalataya? Ang pananampalataya ay hindi lamang pangalan na ating dala—ito ay buhay na dapat isabuhay. Halimbawa, isipin natin ang turo ni Jesus tungkol sa pagpapatawad (Mateo 18:21).
Tinatanggap mo ba ang turo Niyang ito na nagsasabi na tayo ay dapat laging magpatawad? O naglalagay ka ng mga kundisyon bago ka magpatawad? Minsan ba’y kunwari ay nagpapatawad ka, ngunit sa kaibuturan ng iyong puso’y may kinikimkim ka pa ring matinding hinanakit laban sa mga nagkasala sa iyo?
Sa Mabuting Balita ay kinondena ni Jesus nang buong tindi ang mga eskriba at mga Pariseo sapagkat nagtuturo sila ng mga kautusan ngunit hindi nila ito isinasabuhay. Nagpapalapit sila ng tao sa kanilang pananampalataya, ngunit kapag nandoon na, ipinapasan nila sa kanila ang mabibigat na kundisyon at utos na pabor lamang sa kanilang sariling kapakanan. Dahil dito, ang mga tao ay hindi na sinusunod ang tunay na aral ng Diyos kundi ang makasariling turo at kagustuhan ng kanilang mga pinuno.
Ngunit tinatawag tayo ni Jesus sa isang mas mataas at banal na pamumuhay. Nais Niya na tayo mismo ang maging huwaran. Ang ating mga salita ay dapat sumasalamin sa ating mga gawa. Hindi sapat na puro salita lamang ang ating pananampalataya. Kung sinasabi nating tayo ay sumusunod kay Jesus, tungkulin nating isabuhay ang Kanyang buhay—buhay ng pagpapakumbaba, pagiging simple, habag, pagpapatawad, at malasakit.
Ang mundo ay hindi lamang nangangailangan ng mga guro ng salita kundi higit sa lahat ng mga buhay na saksi na isinasabuhay si Kristo sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Kaya’t tanungin natin ang ating sarili: Nakikita ba ng iba si Jesus sa aking buhay? Isinasabuhay ko ba ang aking mga salita? Nagpapatawad ba ako gaya ng pagpapatawad ni Jesus? Nagmamahal ba ako gaya ng pagmamahal ni Jesus? Naglilingkod ba ako gaya ng paglilingkod Jesus? — Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment