Mabuting Balita: Mateo 2:1-12Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem
ng Judea noong kapanahunan ni haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang
ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak
na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito
kami upang sambahin siya.”
Nang mabalitaan ito ni haring
Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya
ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila
kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila.
“Ganito ang sinulat ng propeta:
‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng
Juda,
ay hindi nga huli sa mga pangunahing
bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang
pinuno
na mamamahala sa aking bayang
Israel.’”
Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag
ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At
pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo
kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita
agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.”
At lumakad na nga ang mga Pantas.
Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit
ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas
nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng
kanyang inang si Maria.
Lumapit sila at nagpatirapa at
sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya
ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila’y pabalik na, sinabi sa
kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay
Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano ang Maibibigay Natin kay Hesus ngayong 2026?
Habang tayo ay nakatayo sa pintuan ng pasimula ng isang panibagong taon, mahalagang
tanungin natin ang ating mga sarili: Ano ang maibibigay natin kay Hesus ngayong
2026? Marahil ang pinakadakilang handog na maaari nating ialay sa Kanya ay ang
ating ganap na pagtitiwala at matatag na pananampalataya. Sa mundong puno ng
ingay, pangamba, at kawalang-katiyakan, ang lubos na pag-asa at pagsuko ng
ating buhay sa Kanya ay isang makapangyarihang pagpapahayag ng pag-ibig.
Isa pang mahalagang handog na maaari nating ibigay kay Hesus ay
ang ating patuloy na pagkauhaw sa Kanya.
Maaaring sabihin nating kilala na natin Siya, ngunit sa kaibuturan ng ating
puso, alam nating ang pagkilala kay Hesus ay isang paglalakbay na hindi kailanman
natatapos.
Hangga’t tayo ay nabubuhay, tayo ay tinatawag na patuloy Siyang
hanapin nang may pananabik. Sapagkat habang lalo nating hinahangad si Hesus,
lalo nating nakikilala kung sino Siya. At habang lalo natin Siyang hinahangad,
lalo rin tayong napapalapit sa Kanya.
Itinuturo sa atin ito ng mga Pantas. Hindi sila tumigil sa
paghahanap sa Sanggol na si Hesus hanggang sa matagpuan nila Siya. Tiyak na may
mga pagsubok at hadlang sa kanilang paglalakbay, ngunit hindi sila pinanghinaan
ng loob.
At nang matagpuan nila Siya, buong kababaang-loob silang sumamba,
nagpatirapa sa Kanyang harapan, at naghandog ng ginto, kamanyang, at mira—mga
handog na sumasalamin sa kanilang pagsamba, pagsuko, at pag-ibig.
Tulad ng mga Pantas, ipagpatuloy din natin ang paghahanap kay
Hesus hanggang sa atin Siyang matagpuan. At kapag natagpuan na natin Siya,
hayaan nating manahan Siya sa ating mga puso—hindi lamang sandali, kundi
magpakailanman.
Tiyak na matatagpuan natin Siya kung taos-puso natin Siyang
hahanapin. At sa sandaling makatagpo natin Siya, ialay natin sa Kanya ang ating
boung pagkatao— ng may katahimikan at may kababaang-loob, na walang hinahangad na papuri, kundi tanging
Siya lamang ang ating nais na papurihan.
Kung tayo ay mga magulang, tanungin din natin ang ating mga
sarili: Ano ang pinakamainam na handog na maaari nating ibigay kay Hesus?
Marahil ito ay ang pag-akay sa ating mga anak patungo sa Kanya. Dalhin natin
sila sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Tulungan natin silang makatagpo si Hesus sa pamamagitan ng Banal
na Kasulatan, at turuan din natin silang manalangin ng Banal na Rosaryo, upang
ang binhi ng pananampalataya ay tumubo at mamunga sa tamang panahon.
Ano pa ang maaari nating ibigay kay Hesus? Maaari nating ialay sa
Kanya ang ating panahon at mga kayamanan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga
dukha at sa mga itinatakwil ng lipunan, sapagkat si Hesus ay laging nasa piling
nila.
Ano pa ang maaari nating ialay? Maaari nating ihandog ang ating
buhay sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan at sa lahat ng bagay na
naglalayo sa atin sa Kanyang pag-ibig. Ano pa ang maaari nating gawin para kay
Hesus? Maaari rin nating dalhin ang ating kapwa sa Kanya—hindi lamang sa
pamamagitan ng ating mga salita, kundi sa pamamagitan ng ating pamumuhay ayon
sa Kanyang mga aral.
Sa pag-usad ng bagong taong ito, huminto tayo sandali at pakinggan
ang marahang paanyaya ng Panginoon sa ating mga puso. Na may bukas at handang
puso, tanungin natin ang ating mga sarili: Ano nga ba ang tunay nating
maibibigay kay Hesus ngayong 2026? — Marino J. Dasmarinas