Nang mabalitaan ito ni haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:
ay hindi nga huli sa mga pangunahing
bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang
pinuno
na mamamahala sa aking bayang
Israel.’”
Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.”
At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria.
Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.
Habang tayo ay nakatayo sa pintuan ng pasimula ng isang panibagong taon, mahalagang tanungin natin ang ating mga sarili: Ano ang maibibigay natin kay Hesus ngayong 2026? Marahil ang pinakadakilang handog na maaari nating ialay sa Kanya ay ang ating ganap na pagtitiwala at matatag na pananampalataya. Sa mundong puno ng ingay, pangamba, at kawalang-katiyakan, ang lubos na pag-asa at pagsuko ng ating buhay sa Kanya ay isang makapangyarihang pagpapahayag ng pag-ibig.
Isa pang mahalagang handog na maaari nating ibigay kay Hesus ay ang ating patuloy na pagkauhaw sa Kanya. Maaaring sabihin nating kilala na natin Siya, ngunit sa kaibuturan ng ating puso, alam nating ang pagkilala kay Hesus ay isang paglalakbay na hindi kailanman natatapos.
Hangga’t tayo ay nabubuhay, tayo ay tinatawag na patuloy Siyang hanapin nang may pananabik. Sapagkat habang lalo nating hinahangad si Hesus, lalo nating nakikilala kung sino Siya. At habang lalo natin Siyang hinahangad, lalo rin tayong napapalapit sa Kanya.
Itinuturo sa atin ito ng mga Pantas. Hindi sila tumigil sa paghahanap sa Sanggol na si Hesus hanggang sa matagpuan nila Siya. Tiyak na may mga pagsubok at hadlang sa kanilang paglalakbay, ngunit hindi sila pinanghinaan ng loob.
At nang matagpuan nila Siya, buong kababaang-loob silang sumamba, nagpatirapa sa Kanyang harapan, at naghandog ng ginto, kamanyang, at mira—mga handog na sumasalamin sa kanilang pagsamba, pagsuko, at pag-ibig.
Tulad ng mga Pantas, ipagpatuloy din natin ang paghahanap kay Hesus hanggang sa atin Siyang matagpuan. At kapag natagpuan na natin Siya, hayaan nating manahan Siya sa ating mga puso—hindi lamang sandali, kundi magpakailanman.
Tiyak na matatagpuan natin Siya kung taos-puso natin Siyang hahanapin. At sa sandaling makatagpo natin Siya, ialay natin sa Kanya ang ating boung pagkatao— ng may katahimikan at may kababaang-loob, na walang hinahangad na papuri, kundi tanging Siya lamang ang ating nais na papurihan.
Kung tayo ay mga magulang, tanungin din natin ang ating mga sarili: Ano ang pinakamainam na handog na maaari nating ibigay kay Hesus? Marahil ito ay ang pag-akay sa ating mga anak patungo sa Kanya. Dalhin natin sila sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Tulungan natin silang makatagpo si Hesus sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, at turuan din natin silang manalangin ng Banal na Rosaryo, upang ang binhi ng pananampalataya ay tumubo at mamunga sa tamang panahon.
Ano pa ang maaari nating ibigay kay Hesus? Maaari nating ialay sa Kanya ang ating panahon at mga kayamanan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga dukha at sa mga itinatakwil ng lipunan, sapagkat si Hesus ay laging nasa piling nila.
Ano pa ang maaari nating ialay? Maaari nating ihandog ang ating buhay sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan at sa lahat ng bagay na naglalayo sa atin sa Kanyang pag-ibig. Ano pa ang maaari nating gawin para kay Hesus? Maaari rin nating dalhin ang ating kapwa sa Kanya—hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita, kundi sa pamamagitan ng ating pamumuhay ayon sa Kanyang mga aral.
Sa pag-usad ng bagong taong ito, huminto tayo sandali at pakinggan ang marahang paanyaya ng Panginoon sa ating mga puso. Na may bukas at handang puso, tanungin natin ang ating mga sarili: Ano nga ba ang tunay nating maibibigay kay Hesus ngayong 2026? — Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment