Mabuting Balita:
Lucas 1:26-38Nang ikaanim na
buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa
Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya'y nakatakdang
ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel
sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito.
"Matuwa ka!
Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos," wika niya. "Sumasaiyo ang
Panginoon!" Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang
mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya't sinabi sa kanya ng anghel,
"Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka!
Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong
Jesus.
Magiging dakila
siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos
ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob
magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." "Paanong
mangyayari ito, gayong ako'y dalaga?" tanong ni Maria. Sumagot ang anghel,
"Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kanyang
kapangyarihan ng Kataas-taasan.
Kaya't banal ang
ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong
kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa
kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang
pagdadalantao -- sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos." Sumagot si
Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong
sinabi." At nilisan siya ng anghel.
+ + + +
+ + +
Repleksyon:
Ipinagdiriwang
natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na
Birheng Maria. Ito ay pinagtibay noong 1476 ni Pope Sixtus IV at kalaunan ay
pinalawak para sa buong Simbahang Katolika ni Pope Clement XI noong 1708.
Kinilala ni Pope
Pius IX ang paniniwalang pinanghahawakan sa loob ng maraming siglo ng mga Ama
at mga Dalubhasa ng Simbahan, at noong 1854, kaniyang maringal na ipinahayag
ang Dogma of the Immaculada Conception.
Itinataguyod ng
dogmang ito na “ang Mahal na Birheng Maria, mula sa unang sandali ng paglilihi
sa kanya, sa natatanging biyaya at pribilehiyong ipinagkaloob ng
Makapangyarihang Diyos, ay iningatan na malaya sa anumang mantsa ng orihinal na
kasalanan” (Ineffabilis Deus, 1854).
Sa gitna ng
napakaraming kababaihan noong panahong iyon, bakit si Maria ang pinili ng Diyos
upang maging ina ni Hesus?
Siya ay
pinili hindi dahil sa katayuan o karangalan, kundi dahil sa kanyang
kababaang-loob at ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ipinilit ni
Maria ang sarili niyang mga plano, ni hindi niya hinayaang manaig ang takot o
pansariling interes. Sa halip, buong puso niyang isinuko ang kanyang buhay sa
mga kamay ng Diyos.
Hanggang
ngayon, patuloy na pinipili at ginagamit ng Panginoon ang mga mapagpakumbaba at
masunurin upang maisakatuparan ang Kanyang mga plano sa mundo. Kay Maria,
nakikita natin ang isang pusong bukás sa biyaya ng Diyos—isang buhay na handang
ihandog sa Diyos. Ipinapaalala niya sa atin na ang tunay na kadakilaan ay hindi
nakasalalay sa ating mga sarili, kundi sa ganap na pagsuko sa plano ng Diyos.
Tulad ni
Maria, tayo rin ay inaanyayahang makinig at magtiwala sa plano ng Diyos sa
ating mga buhay. Madaling sumunod kapag naaayon sa ating kagustuhan ang Kanyang
kalooban. Tinatanggap natin ang Kanyang gabay kapag ito ay maginhawa at
kapaki-pakinabang para sa atin.
Pero, Kapag hinahamon ng Diyos ang ating
komportableng pamumuhay, binabago ang ating mga nakasanayan, o inaanyayahan
tayong talikuran ang kasalanan, tayo ba’y nag-aalinlangan, tumututol, o tahimik
na tumatanggi?
Ang pakilos
ng Diyos sa ating buhay ay laging nakaugat sa Kanyang pagmamahal sa atin. Sa
simula, maaaring mahirap itong tanggapin at unawain, lalo na kapag hinihila
tayong palabas sa ating nakasanayan o
inaakay tayo tungo sa pag bitaw sa mga gawi na nagdadala sa atin sa pagkakasala.
Ngunit sa huli, mauunawaan natin na ang Kanyang plano ay laging tama—nag
bibigay ng kagalingan, kalayaan, at kapanatagan.
Mayroon
magandang plano ang Diyos para sa ating lahat. Iisa lamang ang Kanyang hinihiling
upang ito’y magkatotoo sa ating buhay: ang tayo ay magpakumbaba at malayang isuko
ng ating sarili sa Kanyang mapagpalang kalooban.
Habang
pinagninilayan natin ang pagtitiwala ng lubos ni Maria, hinahamon tayong suriin
ang ating sariling puso. Handa ba tayong magtiwala rin nang lubos sa Diyos
kahit hindi malinaw o madali ang Kanyang plano? —Marino J. Dasmarinas