"Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos," wika niya. "Sumasaiyo ang Panginoon!" Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya't sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong Jesus.
Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." "Paanong mangyayari ito, gayong ako'y dalaga?" tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kanyang kapangyarihan ng Kataas-taasan.
Kaya't banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao -- sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos." Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.
Kinilala ni Pope Pius IX ang paniniwalang pinanghahawakan sa loob ng maraming siglo ng mga Ama at mga Dalubhasa ng Simbahan, at noong 1854, kaniyang maringal na ipinahayag ang Dogma of the Immaculada Conception.
Itinataguyod ng dogmang ito na “ang Mahal na Birheng Maria, mula sa unang sandali ng paglilihi sa kanya, sa natatanging biyaya at pribilehiyong ipinagkaloob ng Makapangyarihang Diyos, ay iningatan na malaya sa anumang mantsa ng orihinal na kasalanan” (Ineffabilis Deus, 1854).
Sa gitna ng napakaraming kababaihan noong panahong iyon, bakit si Maria ang pinili ng Diyos upang maging ina ni Hesus?
Siya ay pinili hindi dahil sa katayuan o karangalan, kundi dahil sa kanyang kababaang-loob at ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ipinilit ni Maria ang sarili niyang mga plano, ni hindi niya hinayaang manaig ang takot o pansariling interes. Sa halip, buong puso niyang isinuko ang kanyang buhay sa mga kamay ng Diyos.
Hanggang ngayon, patuloy na pinipili at ginagamit ng Panginoon ang mga mapagpakumbaba at masunurin upang maisakatuparan ang Kanyang mga plano sa mundo. Kay Maria, nakikita natin ang isang pusong bukás sa biyaya ng Diyos—isang buhay na handang ihandog sa Diyos. Ipinapaalala niya sa atin na ang tunay na kadakilaan ay hindi nakasalalay sa ating mga sarili, kundi sa ganap na pagsuko sa plano ng Diyos.
Tulad ni Maria, tayo rin ay inaanyayahang makinig at magtiwala sa plano ng Diyos sa ating mga buhay. Madaling sumunod kapag naaayon sa ating kagustuhan ang Kanyang kalooban. Tinatanggap natin ang Kanyang gabay kapag ito ay maginhawa at kapaki-pakinabang para sa atin.
Pero, Kapag hinahamon ng Diyos ang ating komportableng pamumuhay, binabago ang ating mga nakasanayan, o inaanyayahan tayong talikuran ang kasalanan, tayo ba’y nag-aalinlangan, tumututol, o tahimik na tumatanggi?
Ang pakilos ng Diyos sa ating buhay ay laging nakaugat sa Kanyang pagmamahal sa atin. Sa simula, maaaring mahirap itong tanggapin at unawain, lalo na kapag hinihila tayong palabas sa ating nakasanayan o inaakay tayo tungo sa pag bitaw sa mga gawi na nagdadala sa atin sa pagkakasala. Ngunit sa huli, mauunawaan natin na ang Kanyang plano ay laging tama—nag bibigay ng kagalingan, kalayaan, at kapanatagan.
Mayroon magandang plano ang Diyos para sa ating lahat. Iisa lamang ang Kanyang hinihiling upang ito’y magkatotoo sa ating buhay: ang tayo ay magpakumbaba at malayang isuko ng ating sarili sa Kanyang mapagpalang kalooban.
Habang pinagninilayan natin ang pagtitiwala ng lubos ni Maria, hinahamon tayong suriin ang ating sariling puso. Handa ba tayong magtiwala rin nang lubos sa Diyos kahit hindi malinaw o madali ang Kanyang plano? —Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment