Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pingkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.
Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahilo sa daan.” At sinabi ng mga alaga, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila.
Maglaan tayo ng sandaling katahimikan. Ipikit natin ang ating mga mata at ilagay ang ating sarili sa piling ng mga alagad. Pakinggan nating mabuti ang mga salitang ito ng Panginoon at hayaang tumimo ang mga ito sa ating mga puso. Isipin natin na si Jesus ay tumitingin at nagsasalita mismo sa atin. Nararamdaman ba natin na tinatawag tayo ng Panginoon upang maging Kanyang mga kasangkapan sa pagpapakain, pagtulong, at pag-aaruga sa mga taong halos wala na sa buhay?
Sa mga panahong ito ng paghihirap, kung saan laganap ang gutom dahil kurapsyon sa gobyerno patuloy na nagsasalita sa atin si Jesus. Ipinapaalala Niya sa atin: “Mahabag din ang inyong mga puso sa mga dukha at nagugutom—sa mga walang-wala, sa mga naaapi, at sa mga mahihina at nakalimutan ng lipunan.” Ang Kanyang mga salita ay hindi lamang dapat pakinggan; ang mga ito ay dapat isabuhay.
Madali para sa atin ang magsabi, “Tutulong tayo,” o “May gagawin tayo para sa mahihirap.” Ngunit ang tunay na pagsubok ng pagiging alagad ni Kristo ay hindi nasusukat sa mga salita. Ito ay nasusukat sa gawa—sa mga kongkreto at tunay na hakbang ng pagmamahal. Huwag tayong matakot na tumulong, sapagkat ito ang malinaw na kalooban ng Panginoon. Huwag din tayong mangamba, sapagkat anumang tulong na ibinibigay natin nang taos-puso ay nagbabalik sa atin ng pagpapala sa maraming paraan.
Bilang mga tagasunod ni Kristo, inaanyayahan tayong isabuhay ang kanyang utos ng pag tulong. Sa gitna ng mga hamon ng ating panahon, paano tayo ngayon nagiging mga kamay at puso ni Jesus para sa mga dukha, nangangailagan at nagugutom? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment