Saturday, December 06, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Linggo Disyembre 7 Ikalawang Linggo ng Adbiyento: Mateo 3:1-12


Mabuting Balita: Mateo 3:1-12
Noong panahaong iyon, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito, “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”

Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.

Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo’y anak ni Abraham.

Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy.

Siya’y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

+ + + + + + +
Repleksyon:
Handa ba tayong magsisi at tuluyang lumayo sa anumang nagdadala sa atin sa pagkakasala?

Maraming beses na tayong nangako sa Diyos na magsisisi tayo at lalayo sa anumang nagtutulak sa atin na magkasala. Buo ang ating hangarin, at sa loob ng isang panahon, nagagawa nating magbago. Ngunit hindi nagtatagal, muli tayong nadadapa—muli nating binabalikan ang mga kasalanang sinikap na nating talikuran.

Madaling sabihin na hindi na tayo muling magkakasala, ngunit kapag dumarating na ang tukso, saka natin nakikita kung gaano tayo kahina. Kaya’t paulit-ulit tayong nagkakasala, hanggang sa ang kasalanan ay maging bahagi na ng ating pamumuhay. Sa paglipas ng panahon, ang mga naipong kasalanang ito ang unti-unting nagdadala sa atin sa kawalan ng kapayapaan, ka hungkagan at sa pagkakaroon ng miserableng buhay.

Bakit nga ba tayo nagkakasala? Bakit patuloy tayong bumabagsak sa kasalanan kahit alam nating ito’y nakasisira sa atin? Sapagkat ang kasalanan ay kaakit-akit at mapanukso. Nagbibigay ito ng panandaliang aliw o kasiyahan, ngunit sa bandang huli, nag-iiwan ito ng malalim na sugat at pagkaalipin sa ating pagkatao at kaluluwa. Kung hindi tayo tunay na magsisisi at tuluyang lalayo sa kasalanan, unti-unti tayong wawasakin nito mula sa kaloob-looban ng ating pagkatao.

Nang lumabas si Juan Bautista mula sa ilang, ipinahayag niya ang panawagan ng pagsisisi, at marami ang nakinig sa kanya. Lumapit sa kanya ang mga tao upang magsisi at magpabinyag, kabilang na ang mga Pariseo at mga Saduceo. Ngunit ang kanilang pagsisisi ay mababaw at panlabas lamang. Ito ang dahilan kung bakit sila sinaway ni Juan. Hinamon niya silang magkaroon ng tunay na pagsisisi—isang panloob, tapat, at malalim na pagbabalik-loob.

Ito rin ang panawagan ng Diyos sa atin sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Inaanyayahan tayong suriin ang ating mga puso: ang pagsisisi ba natin ay nananatili lamang sa salita, o ito ba’y isinasabuhay natin araw-araw? Nais ng Diyos ang isang panloob, tapat, at malalim na pagsisisi—isang pagsisising may lakas ng loob na tuluyang talikuran ang anumang nagtutulak sa atin na magkasala.

Habang inihahanda natin ang ating mga sarili sa pagdating ng Panginoon, tanungin sana natin ang ating mga sarili nang buong katapatan: Handa ba talaga tayong bitawan ang mga kasalanang patuloy nating pinanghahawakan, o kuntento na tayo sa isang mababaw na pagsisising hindi kailanman nagbabago ng ating buhay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: