Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin. Binigyan niya ang mga ito ng tig-iisang salaping ginto at sinabihan sila. 'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa pagbabalik ko.' Poot na poot naman sa kanya ang kanyang mga kababayan, kaya't pagkaalis niya, nagsugo sila ng mga kinatawan upang sabihin sa kinauukulan: 'Ayaw naming maging hari ang taong ito!'
"Ngunit ginawa ring hari ang taong iyon. Umuwi siya pagkatapos, at ipinatawag ang mga aliping binigyan niya ng salaping ginto, upang malaman kung gaano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at ang sabi, 'Panginoon, ang salapi ninyong ginto ay nagtubo ng sampu.' 'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin!
Yamang naging matapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa sampung bayan.' Lumapit ang ikalawa at ang sinabi, 'Panginoon, ang salapi ninyong ginto ay nagtubo ng lima.' At sinabi niya sa kanya, 'Mamahala ka sa limang bayan.'
Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, 'Panginoon, heto po ang inyong salaping ginto. Binalot ko sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo, sapagkat napakahigpit ninyo; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo, at inaani ang hindi ninyo inihasik.' Sinagot siya ng kanyang panginoon, 'Masamang alipin! Sa salita mong iyan kita hahatulan. Alam mo palang ako'y mahigpit. Sinabi mo, kinukuha ko ang hindi sa akin at inani ko ang hindi inihasik.
Bakit hindi mo inilagay sa bangko ang aking salapi? Pagbabalik ko, sana'y may tinubo ang puhunang ito.' At sinabi niya sa mga naroroon , 'Kunin ninyo sa kanya ang salaping ginto, at ibigay sa may sampu.' 'Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung salaping ginto!' wika nila.
'Sinasabi ko sa inyo: ang bawat mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong aayaw na ako'y maghari sa kanila-- dalhin ninyo rito at patayin sa harapan ko!'" Pagkasabi nito, nagpauna si Jesus patungong Jerusalem.
Ang ating misyon ay maging tunay na mabubungang tagasunod ng Panginoon. At paano ba tayo magiging ganitong uri ng tagasunod? Kapag ibinabahagi natin ang ating pananampalataya, iniiwasan ang kasalanan, at gumagawa ng mabuti, tayo ay nagiging mabubunga Niyang alagad. Ngunit kapag wala tayong ginagawa para sa Panginoon, nagiging di-mabunga at walang naihahandog ang ating buhay sa Kanya.
Palagi tayong inaanyayahan ng Panginoon na ibahagi ang ating pananampalataya upang tayo ay lumago, sapagkat ito ang tanging paraan upang tayo ay mamunga. Ngunit marami sa atin ang natatakot magbahagi, at palagi nating dahilan na kulang tayo sa kaalaman tungkol kay Jesus at sa ating pananampalatayang Katoliko. Ngunit paano natin Siya makikilala kung hindi natin pagsisikapang makilala Siya nang mas malalim? Paano natin Siya mamahalin kung hindi tayo nauuhaw sa kanya?
Simple lamang ang sikreto upang makilala nang lubos si Jesus: kailangan nating buksan ang ating puso sa patuloy na pagtuklas sa Kanya. Kapag mas nakikilala natin Siya, mas binibigyan Niya tayo ng biyaya at kakayahang maging mabubunga Niyang tagasunod. At isa sa pinakamainam na simula ng paglalakbay na ito ay ang ating pagdalo sa Banal na Misa, kung saan Siya mismo ang nakikipagtagpo sa atin, nagpapalakas sa atin, at nagtuturo sa atin.
Kailangan nating higit na makilala si Jesus upang tayo ay mas lumalim sa ating pananampalataya—at sa tulong ng biyaya Niya, maibahagi rin natin sa iba ang ating nalalaman at natatanggap mula sa Kanya. Binigyan na tayo ni Jesus ng kinakailangang biyaya sa pamamagitan ng ating Binyag at Kumpil. Naitanim na Niya sa atin ang Kanyang mga kaloob; ngayon, tayo naman ang inaasahang magpapausbong at magpapabunga nito.
Ngunit handa ba tayong hayaan si Jesus na dalhin tayo sa mas malalim na ugnayan sa Kanya, o patuloy ba tayong magtatago sa kanya dahil tayo ay alipin parin ng mundong ito? – Marino J. Dasmarinas





