Gayon din noong panahon ni Lot -- ang mga tao'y nagsisikain at nagsisiinom, namimili at nagbibili, nagtatanim, at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Gayon din sa pagdating ng Anak ng Tao.
"Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag ng bumaba upang kunin ang kanyang mga ari-arian sa loob ng bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makapagliligtas nito.
Sinasabi ko sa inyo: may dalawang lalaking natutulog sa isang higaan sa gabing iyon; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
May dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa." "Saan po, Panginoon,?" tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, "Kung saan naroon ang mga bangkay, doon naman nagkakatipon ang mga buwitre."
Sapagkat tulad ng isang mapagmahal na ina, nais ng Simbahan na ihanda tayo para sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom—isang araw na hindi natin alam kung kailan darating. Kaya’t habang may panahon pa, mas mabuting tugunan na natin ang panawagang ito ng pagsisisi. Sapagkat ang tunay na pagbabalik-loob ay magliligtas sa atin mula sa di-masukat na kaparusahan at maghahatid sa atin sa walang hanggang kapayapaan.
Noong panahon nina Noe at Lot, abala ang mga tao sa makamundo at imoral na gawain. Wala sa kanilang isipan ang Diyos. At nang walang anumang babala, dumating ang sakuna. Bakit ito nangyari? Sapagkat lubos silang nabighani sa kanilang pita ng laman, kasakiman, at pagnanais na gumawa ng kasalanan.
Sa kasamaang-palad, tila hindi tayo natututo mula sa mga pangyayaring ito. Hanggang ngayon, marami pa rin sa atin ang patuloy na nagpapasakop sa kasalanan, halimbawa ay ang kurupsyon sa flood control na maraming politiko at mga nagtratrabaho sa gobyerno ang sangkot. Patuloy nating pinapayagang manahan ang kasalanan—minsan pa nga, sa loob mismo ng ating puso.
Kaya’t nararapat lamang na talikuran na natin ang mga makasalanang gawa habang may oras pa. Ang kasalanan ay kailanman hindi magdudulot ng kabutihan; bagkus, ito’y nagdadala ng kaguluhan, problema, at kawalan ng kapayapaan. Ngunit kung tayo’y tatalikod sa kasalanan at babalik sa Diyos, yayakapin tayo ng Kanyang awa at babaguhin ng Kanyang biyaya ang ating mga puso.
Kaya ngayon, tayo’y magnilay: Patuloy pa rin ba nating hinahawakan ang mga bagay na humahadlang sa atin sa Diyos, o handa na ba tayong bitiwan ang mga ito upang tuluyang maranasan ang Kanyang mapagpatawad na pag-ibig? — Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment