Mabuting Balita:
Lucas 12:13-21Noong panahong iyon,
sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na
ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang
naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa
kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang
buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.”
At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang
bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili,
‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang
aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki.
Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko
sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin
habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’
Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y
babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan
ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa
paningin ng Diyos.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Isang mayamang babae ang biglaang pumanaw nang hindi nag-iiwan ng huling
habilin o testamento. Dahil dito, nagsimulang magtalo ang kanyang mga anak
dahil bawat isa ay nais makuha ang pinakamalaking bahagi ng kayamanan. Bunga
nito, ang dating matatag at mapagmahal na ugnayan ng magkakapatid ay nagkaron
ng lamat. At ang ugat ng lahat ng ito ay ang kanilang kasakiman sa materyal na
kayamanan.
May mga taong nakakaramdam ng kapanatagan sa materyal na kayamanan, na
para bang kaya nitong iligtas sila sa katiyakan ng kamatayan. Mayroon ding mga
nag-aakalang dahil sila ay may kayamanan, kaya na nilang bilhin maging ang
dangal at kaluluwa ng kapwa nila. Ngunit ito ay mga maling paniniwala, sapagkat
ang materyal na kayamanan ay pansamantala lamang at hindi ito ang kabuuan ng
ating buhay.
Ang materyal na kayamanan, ay hindi masama. Sa katunayan, ito ay maaaring
makatulong upang maging maayos ang ating pamumuhay dito sa mundo. Maaari rin
itong maging kasangkapan upang maipahayag natin ang pag-ibig at awa ng Diyos.
Halimbawa, kapag tayo ay tumulong sa nangangailangan gamit ang ating kayamanan,
ito ay isang mabuting bagay. Ngunit nagiging masama ang kayamanan kapag tayo ay
nagiging sakim at hinahayaan nating ito ang magdikta at maghari sa ating puso.
Sa ati pong Mabuting Balita, ipinapaalala sa atin ni Jesus na ang buhay
ay hindi tungkol sa mga pag-aari sa mundong ito. Kung hindi tungkol sa materyal
na pag-aari ang buhay, kung gayon, ano nga ba ang tunay na layunin ng buhay?
Ang buhay ay tungkol sa Diyos! Kahit pa taglayin natin ang lahat ng kayamanan
sa mundong ito, kung wala naman ang Diyos sa ating buhay, mananatiling hungkag
at tigang ang ating puso.
Ito ay dahil ang kayamanan ay maaaring mawala sa atin anumang oras, at
hindi nito kayang dalhin tayo sa langit kapag dumating na ang ating oras ng
pagpanaw. Subalit kung ang Diyos ang ating pinipili, Siya ay mananatili sa atin
magpakailanman.
Kapag kayamanan ang ating inuuna, itinatayo natin ang ating buhay sa
buhangin na madaling gumuho. Ngunit kapag ang Diyos ang ating sandigan, tayo ay
nakatayo sa matibay na pundasyon na hindi kailanman magigiba.
Ang materyal na mga pag-aari ay makapagbibigay lamang ng panandaliang
kaginhawahan, ngunit tanging ang Diyos ang makapagbibigay ng tunay na
kagalakan, kapayapaan, at katiyakan ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng
ating tinatamasa ngayon ay ipinagkatiwala lamang sa atin upang gamitin nang may
kabutihan at bukas-palad para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Habang tayo ay naglalakbay sa buhay na ito, suriin natin ang laman ng
ating puso at kung saan nakatuon ang ating mga prayoridad. Tayo ba ay kumakapit
sa materyal na kayamanan bilang ating sandigan? O buong pagtitiwala ba nating
iniaasa ang lahat sa Diyos na siyang tunay nating kayamanan?
Ano ang tunay na mag-iiwan ng halaga kapag dumating ang ating takdang oras
ng paglisan sa mundong ito — ang kayamanang iniipon natin sa lupa o ang
kayamanang inilalagak natin sa langit? – Marino J. Dasmarinas