Sunday, October 19, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Oktubre 20 Lunes sa Ika-29 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 12:13-21


Mabuting Balita: Lucas 12:13-21
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” 

At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. 

Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ 

Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

+ + + + + + +
Repleksyon:
Isang mayamang babae ang biglaang pumanaw nang hindi nag-iiwan ng huling habilin o testamento. Dahil dito, nagsimulang magtalo ang kanyang mga anak dahil bawat isa ay nais makuha ang pinakamalaking bahagi ng kayamanan. Bunga nito, ang dating matatag at mapagmahal na ugnayan ng magkakapatid ay nagkaron ng lamat. At ang ugat ng lahat ng ito ay ang kanilang kasakiman sa materyal na kayamanan.

May mga taong nakakaramdam ng kapanatagan sa materyal na kayamanan, na para bang kaya nitong iligtas sila sa katiyakan ng kamatayan. Mayroon ding mga nag-aakalang dahil sila ay may kayamanan, kaya na nilang bilhin maging ang dangal at kaluluwa ng kapwa nila. Ngunit ito ay mga maling paniniwala, sapagkat ang materyal na kayamanan ay pansamantala lamang at hindi ito ang kabuuan ng ating buhay.

Ang materyal na kayamanan, ay hindi masama. Sa katunayan, ito ay maaaring makatulong upang maging maayos ang ating pamumuhay dito sa mundo. Maaari rin itong maging kasangkapan upang maipahayag natin ang pag-ibig at awa ng Diyos. Halimbawa, kapag tayo ay tumulong sa nangangailangan gamit ang ating kayamanan, ito ay isang mabuting bagay. Ngunit nagiging masama ang kayamanan kapag tayo ay nagiging sakim at hinahayaan nating ito ang magdikta at maghari sa ating puso.

Sa ati pong Mabuting Balita, ipinapaalala sa atin ni Jesus na ang buhay ay hindi tungkol sa mga pag-aari sa mundong ito. Kung hindi tungkol sa materyal na pag-aari ang buhay, kung gayon, ano nga ba ang tunay na layunin ng buhay? Ang buhay ay tungkol sa Diyos! Kahit pa taglayin natin ang lahat ng kayamanan sa mundong ito, kung wala naman ang Diyos sa ating buhay, mananatiling hungkag at tigang ang ating puso.

Ito ay dahil ang kayamanan ay maaaring mawala sa atin anumang oras, at hindi nito kayang dalhin tayo sa langit kapag dumating na ang ating oras ng pagpanaw. Subalit kung ang Diyos ang ating pinipili, Siya ay mananatili sa atin magpakailanman.

Kapag kayamanan ang ating inuuna, itinatayo natin ang ating buhay sa buhangin na madaling gumuho. Ngunit kapag ang Diyos ang ating sandigan, tayo ay nakatayo sa matibay na pundasyon na hindi kailanman magigiba.

Ang materyal na mga pag-aari ay makapagbibigay lamang ng panandaliang kaginhawahan, ngunit tanging ang Diyos ang makapagbibigay ng tunay na kagalakan, kapayapaan, at katiyakan ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng ating tinatamasa ngayon ay ipinagkatiwala lamang sa atin upang gamitin nang may kabutihan at bukas-palad para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Habang tayo ay naglalakbay sa buhay na ito, suriin natin ang laman ng ating puso at kung saan nakatuon ang ating mga prayoridad. Tayo ba ay kumakapit sa materyal na kayamanan bilang ating sandigan? O buong pagtitiwala ba nating iniaasa ang lahat sa Diyos na siyang tunay nating kayamanan?

Ano ang tunay na mag-iiwan ng halaga kapag dumating ang ating takdang oras ng paglisan sa mundong ito — ang kayamanang iniipon natin sa lupa o ang kayamanang inilalagak natin sa langit? – Marino J. Dasmarinas

No comments: