May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at
namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayun din
ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at
pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa
muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang
napangasawa niya silang lahat?”
Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang lalaki at mga babae’y
nag-aasawa, ngunit ang lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa
kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat
matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang
binuhay.
Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga
patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang
punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac
at Diyos ni Jacob.’
Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay –
sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot
ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.
Malaki ang pagkakaiba ng buhay na walang hanggan sa buhay na nararanasan natin ngayon. Ang ating buhay dito sa lupa ay may katapusan, ngunit ang buhay na walang hanggan ay hindi magwawakas kailanman. Sa langit, wala nang pagdurusa, sakit, at kalungkutan. Sa halip, mararanasan natin ang ganap na pag-ibig ng Diyos at ang walang hanggang kagalakan ng pamumuhay sa Kanyang piling.
Ito
ay magiging isang maluwalhati at makalangit na karanasan para sa lahat ng
magkakamit ng buhay na walang hanggan kapiling ang Diyos. Gayunman, isang
malungkot na katotohanan na hindi lahat sa atin ay makikibahagi sa banal na
karanasang ito. May ilan na maaaring mapunta sa kabilang panig, kung saan
naghihintay ang walang hanggang pagdurusa.
Sa
Ebanghelyo, tinanong si Jesus ng mga Saduseo na hindi naniniwala sa muling
pagkabuhay ng mga patay. Inilahad nila ang tungkol sa isang babae na nagkaroon
ng pitong magkakapatid na lalaki bilang mga asawa, sunod-sunod, dahil namatay
ang bawat isa. Pagkatapos ay tinanong nila si Jesus: "Sa muling pagkabuhay,
sino sa kanila ang magiging asawa ng babaeng iyon?"
Binigyan
sila ni Jesus ng isang sulyap kung ano ang magiging buhay natin sa muling
pagkabuhay nang sabihin Niya:
"Ang
mga anak ng sanlibutang ito ay nag-aasawa at ipinapakasal. Ngunit ang mga
itinuring na karapat-dapat magkamit ng kabilang buhay at ng muling pagkabuhay
mula sa mga patay ay hindi na mag-aasawa ni ipapakasal. Hindi na rin sila
mamamatay sapagkat sila'y magiging tulad ng mga anghel. Sila'y mga anak ng
Diyos sapagkat sila'y mga anak ng muling pagkabuhay."
Ipinaaalala
sa atin ni Jesus na lubhang naiiba ang buhay na walang hanggan sa buhay na
nararanasan natin dito sa lupa. Sa muling pagkabuhay, hindi na tayo sasaklawin
ng mga limitasyon at kalagayang nararanasan natin sa kasalukuyang mundo. Papasok
tayo sa isang bago at maluwalhating buhay kung saan wala nang kapangyarihan ang
kamatayan sa atin.
Kaya
naman, pagsikapan nating makamit ang buhay na walang hanggan kapiling ang
Diyos. Gawin natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti, pagmamahalan, pagpapatawad
sa mga nagkasala sa atin, at tapat na pagsunod sa yapak ni Jesus. Huwag nating
hayaang maging hadlang sa ating paglalakbay tungo sa langit ang labis na
pagkakapit sa kayamanan, kasiyahan, at mga ambisyon ng mundong ito.
Paano
naman ang pagsasama ng mag-asawa dito sa lupa?
Mananatili kaya sa langit ang ganitong uri ng pagsasama? Walang sinuman sa atin ang nakaaalam nang tiyak; tanging ang Diyos lamang ang nakaaalam. Ang alam natin ay higit na dakila ang pag-ibig ng Diyos kaysa sa anumang pag-ibig na naranasan natin sa buhay na ito. Anuman ang naghihintay sa atin sa langit ay higit na dakila kaysa sa kaya nating maunawaan sa ngayon.
Pansamantala
lamang ang ating buhay dito sa lupa, ngunit may walang hanggang kahulugan ang
bawat desisyong ginagawa natin, ang pagmamahal na ibinabahagi natin, ang
kabutihang ipinagkakaloob natin sa kapwa, at ang pananampalatayang pinagyayaman
natin. Kaya't mamuhay tayo araw-araw na taglay sa ating puso ang pag-asam sa
langit, habang nakatuon ang ating paningin kay Jesus, na siyang daan tungo sa
buhay na walang hanggan.
Darating ang araw na matatapos din ang ating paglalakbay dito sa
lupa. Kapag dumating ang araw na iyon at humarap na tayo sa Diyos, magiging
handa kaya tayo? Masasabi kaya nating namuhay tayo nang may pananampalataya,
pagmamahal, pagpapatawad, at kabutihan?
O baka naman naging abala tayo sa paghahangad ng mga bagay na
pansamantala lamang at nakalimutan natin ang buhay na walang hanggan na
inihahanda ng Diyos para sa atin?— Marino J.
Dasmarinas

No comments:
Post a Comment