Thursday, February 19, 2026

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Pebrero 21 Sabado kasunod ng Miyerkules ng Abo: Lucas 5:27-32


Mabuting Balita: Lucas 5:27-32
Noong Panahong iyon, nakita ni Jesus ang isang publikano na nag ngangalang Levi, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." Tumindig si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.  

Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay. Nakasalo niya roon ang mga publikano at ang iba pang mga tao. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang kanilang mga kasamang eskriba. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, "Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga publikano at ng mga makasalanan?"  

Sinagot siya ni Jesus, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may sakit. Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi."

+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano ang nagbunsod kay Jesus na tawagin si Levi upang sumunod sa Kanya? At ano ang nag impluwensya kay Levi na iwanan ang lahat at sumunod sa Kanya?

Si Levi ay isang makasalanan—tulad natin. Marahil ay pagod na siya sa buhay na kanyang ginugol sa kasalanan. Marahil sa kaibuturan ng kanyang puso, may pagnanais para sa mas malinis, mas totoo, at mas makabuluhang buhay. At nang tumingin si Jesus sa kanya—hindi para husgahan, kundi para kaawaan—nakatagpo ni Levi ang awa at pagmamahal ng Diyos.

Nang tawagin siya ni Jesus, hindi siya nag-atubili. Siya’y bumangon, iniwan ang lahat, at sumunod sa Kanya. Bakit? Dahil sa wakas, nakatagpo niya ang isang taong hindi tinitingnan ang kanyang nakaraan bilang pasakit o hatol. Nakakita siya ng isang taong naniniwala sa kanyang pagbabago. Nakakita siya ng isang taong nag-aalok ng simula at pag-asa, hindi ng panghuhusga.

Sa sandaling ito ng Ebanghelyo, hindi lamang tayo mga saksi—tayo rin ay kalahok. Gaano tayo kadalas mabilis manghusga sa mga itinuturing nating makasalanan, nakakalimutan natin na tayo rin ay patuloy na umaasa sa awa ng Diyos? Sino tayo upang manghusga, samantalang tayo mismo ay palagi niyang pinapatawad araw-araw?

Ipinapakita sa atin ni Jesus huwag tayong maghusga dahil ang ating kapwa ay may kakayahang magbabago. Iniimbitahan Niya tayong maging instrumento ng Kanyang awa—ang mag bigay ng pangalawang pagkakataon, ang magpatawad, at maniniwala na posible ang pagbabago sa pamamagitan ng Kanyang grasya.

Marami sa paligid natin ang pagod na sa kanilang kasalanan. Marami ang tahimik na naghahangad na bumangon ngunit pakiramdam nila ay nakulong sila sa kahihiyan at hatol ng iba. Maaaring naghihintay lamang sila—hindi ng pagbatikos—kundi ng isang tao na maniwala sa kanila, ng isang kamay na handang tulungan sila sa tumayo muli sa pagkaalipin ng kasalanan.

Hilingin natin sa Panginoon na palambutin ang ating puso. Piliin natin ang awa kaysa sa panghuhusga, habag kaysa sa batikos. Maging mga taong nagbibigay ng pag-asa at nagiging instrumento ng pagbabagong buhay ng ating kapwa.

Dahil,  ang pagbabalik-loob ng isang tao ay naghihintay—hindi lamang sa tawag ng Diyos—kundi sa ating kagustuhang maging salamin ng Kanyang awa. —Marino J. Dasmarinas

No comments: