Sunday, September 15, 2024

Ang Mabuting Balita: Lunes Setyembre 16, Paggunita kay San Cornelio, papa at San Cipriano, obispo, mga martir: Lucas 7:1-10


Mabuting Balita: Lucas 7:1-10
Noong panahong iyon, nang maituro ni Hesus sa mga tao ang kanyang aral, siya’y pumasok ng Capernaum. Doo’y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Hesus, nagpasugo siya sa ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Hesus na puntahan at pagalingin ang alipin.  

Nang makita nila si Hesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya’y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa,” wika nila. ”Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya’t  sumama sa kanila si Hesus. Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan. Ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo.  

Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako’y isang taong nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika! siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ito’y ginagawa niya.” 

Namangha si Hesus nang marinig ito, at humarap sa makapal na taong sumusunod sa kanya. Sinabi niya, “Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig.” Pagbabalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.

No comments: