Monday, September 23, 2024

Ang Mabuting Balita, Linggo Setyembre 29 Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 9: 38-43. 45. 47-48


Mabuting Balita: Marcos 9: 38-43. 45. 47-48
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” 

Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.

“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. 

Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”

No comments: