"Kung ang sinuman sa inyo ay may
100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu't siyam
sa ilang at hahanapin hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na'y
masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang
mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, "Makipagsaya kayo sa akin,
sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!' Sinasabi ko sa inyo,
magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang
nagsisi't tumalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na
hindi nangangailangang magsisi."
"O kaya, kung ang isang babae ay
may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan
niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan
ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga
kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat
nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!' Sinasabi ko sa inyo,
gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang
nagsisi't tumalikod sa kanyang kasalanan."
Sinabi pa ni Jesus, "Isang tao
ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa
akin ang mamanahin ko.' At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian.
Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo
sa malayong lupain, taglay niya ang buo niyang kayamanan, at doo'y nilustay na
lahat sa di wastong pamumuhay.
Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya't namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya'y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya.
Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang
ginawa, nasabi niya sa sarili, 'Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na
pagkain-- at lumalabis pa-- samantalang ako'y namamatay ng gutom dito! Babalik
ako sa kanya, at sasabihin ko, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo.
Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo
akong isa sa inyong mga alila." At tumindig siya at pumaroon sa kanyang
ama.
"Malayo pa'y natanawan na siya
ng ama at ito'y labis na nahabag sa kanya, kaya't patakbo siyang sinalubong,
niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa
inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.' Ngunit tinawag ng
ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na
damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang
pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang
anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.' At sila'y
nagsaya.
"Nasa bukid noon ang anak na
panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan
at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: 'Bakit? May ano sa
atin?' 'Dumating po ang inyong kapatid!' tugon ng alila, 'Ipinapatay ng inyong
ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.'
Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya't lumabas ang kanyang
ama at inamu-amo siya.
Ngunit sinabi nito, 'Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit ng dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!' Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko'y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.'"
No comments:
Post a Comment