Saturday, March 27, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Marso 28, LInggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon: Marcos 14:1—15:47 (or 15:1-39)


Mabuting Balita: 
Marcos 14:1—15:47 (or 15:1-39)
1 Dalawang araw bago mag-Paskuwa at mag-Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, nag­sikap ang mga punong-pari at mga guro ng Batas na gumawa ng pakana para ma­huli at mapatay si Jesus. 2 Ngu­nit sinabi nila: “Hindi ngayon sa piyestang ito, at baka magkagulo ang mga tao.” 3 Nang nasa Betania si Jesus at na­sa hapag sa bahay ni Simong ke­to­ngin, isang babae ang lumapit sa kanya, dala-dala ang isang sisidlang may purong pa­bangong-mira. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ito sa ulo ni Jesus. 4 Kaya may ilang nagalit at kanilang si­nabi: “Bakit sinasayang ang pabangong ito! 5 Ma­ipagbibili sana ang mirang ito nang higit pa sa tatlundaang denaryo at maibibigay sa mga dukha.” At nagbulung-bulungan sila laban sa babae. 

6 Sinabi naman ni Jesus: “Bakit ninyo siya ginugulo? Huwag ninyo siyang paki­alaman. Mabuting gawain ang ginawa niya sa akin. 7 Ang mga dukha’y laging nasa inyo at matutulu­ngan ninyo sila ka­ilanman ninyo naisin pero ako’y hindi la­ging nasa inyo. 8 Ginawa niya ang para sa kanya: ini­handa na niya ngayon pa man ang aking katawan para sa pag­­li­libing. 9 Tala­­gang sinasabi ko sa inyo: saan man ipahayag ang Ebang­helyo – sa buong daigdig – mababanggit din ang ginawa niya sa akin bilang pag-alaala sa kanya.” 

10 At pumunta sa mga punong-pari si Judas Iskariote na isa sa Labin­dalawa para ibigay si Jesus sa kanila. 11 Natu­wa sila sa pagkarinig sa kanya at nanga­kong bibigyan siya ng pera. Kaya nag­hanap siya ng pagkakataong ma­ipag­kanulo siya. 12 Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, nang ki­na­katay ang mga tupang pampaskuwa, sinabi kay Jesus ng kan­yang mga alagad: “Saan mo kami gus­tong pumunta para maghanda ng Ha­pu­nang Pampaskuwa para sa iyo?” 13 Kaya ipinadala niya ang dalawa sa kanyang mga alagad sa pagsasabing: “Pag­­punta ninyo sa lunsod, sasalu­­­­­­bungin kayo ng isang lalaking may pasang isang ba­ngang tubig. Sumunod kayo sa kanya 14 at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na pupun­tahan niya, ‘Ito ang sabi ng Guro: Nasaan ang ku­warto para sa akin para pag­saluhan namin ng aking mga alagad ang Hapu­nang Pam­pas­kuwa?’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malawak na silid sa itaas na ayos na at may mga kagamitan. Doon kayo mag­handa para sa atin.”  

16 Umalis nga ang mga alagad at pu­mun­ta sa lunsod at nakita ang sinabi ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa. 17 Pagkalubog ng araw, dumating si Jesus kasama ang Labindalawa. 18 Ha­bang nasa hapag sila at kumakain, si­nabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipag­kakanulo ako ng isa sa inyo na kasalo ko.” 19 Nalungkot sila at isa-isang nagta­nong sa kanya: “Ako ba?” 20 Su­magot siya: “Isa sa Labindalawang kasabay kong mag­sasaw­saw ng tinapay sa plato. 21 Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang mag­kakanulo sa Anak ng Tao; mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipina­nganak.”  

22 Habang sila’y kumakain, kinuha niya ang tinapay, at matapos magpuri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at ibinigay sa mga alagad habang sinasabi: “Kunin ninyo; ito ang aking kata­wan.” 23 Pag­katapos ay ki­nuha niya ang kalis, nagpa­salamat siya at ibinigay sa kanila, at uminom ang lahat. 24 At sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking dugo, ang dugo ng Tipan, na ibinubuhos para sa marami. 25 Sinasabi ko rin sa inyo: hindi na ako iinom pa ng galing sa ubas hang­­gang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.”  

26 At pagkaawit ng mga salmo pu­mun­ta sila sa Bundok ng mga Olibo. 27 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Matitisod kayong lahat. Sinasabi nga ng Kasulatan: ‘Ha­ham­­pasin ko ang pastol at mangangalat naman ang mga tupa.’ 28 Ngunit pagkabuhay kong muli, mau­una ako sa inyo sa Galilea.”  

29 Sinabi ni Pedro: “Kahit na matisod man ang lahat dahil sa iyo, ako’y hindi.” 30 Su­magot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo, sa gabi ring ito bago ma­ka­lawang tumi­laok ang tandang, tatlong beses mo akong itatatwa.” 31 Ngu­nit lalo pang sinabi ni Pedro: “Kahit mamatay pa akong kasama mo, hin­ding-hindi kita itatatwa.” Gayundin ang sinabi ng iba. 32 At nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane at sinabi niya sa mga alagad: “Maupo kayo rito habang nag­darasal ako.”  

33 Isinama niya sina Pedro, Jaime at Juan, at nagsimula siyang labis na kilabutan at mamighati. 34 At sinabi niya sa kanila: “Labis na kalungkutan na pa­rang kamatayan ang aking nada­rama. Manatili kayo rito at mag­puyat.” 35 At pumunta siya sa malayu-layo pa at napatirapa at dinasal na kung maaari’y lu­mayo sa kanya ang oras na ito. At sinabi: 36 “Abba (na ibig sabihi’y Tatay), lahat ay posible para sa iyo. Alisin mo sa akin ang kalis na ito. Ngunit hindi ayon sa aking kalooban kundi sa iyo.”  

37 At pagbalik niya nakita niya silang na­tutulog at sinabi niya kay Pedro: “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba maka­pagpuyat nang kahit isang oras lamang? 38 Magpuyat at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Talagang masi­gasig ang espiritu ngu­nit mahina ang laman.” 

39 Umalis siya uli para manalangin at gayon din ang kanyang sinabi. 40 At pagbalik niya, muli niya silang naki­tang natutulog; mabigat nga ang kanilang mga mata at hindi nila alam kung ano ang sasabihin sa kanya. 41 Sa pangatlong balik niya, sinabi niya sa kanila: “Sige, matulog kayo at magpa­hinga! Tama na. Dumating na ang oras at ibinibigay na ang Anak ng Tao sa mga taong makasalanan. 42 Gumi­sing na kayo at tumindig. Narito na ang nagkakanulo sa akin.”  

43 Nagsasalita pa si Jesus nang duma­­ting si Judas na isa sa Labinda­lawa, at ma­rami siyang kasama na ­ipinadala ng mga punong-pari at mga guro ng Batas at Matatanda ng bayan. May dala silang mga tabak at pamalo 44 at nagtakda sa kanila ang taksil ng isang senyas: “Ang siya kong haha­likan, siya ang tao, hulihin ninyo siya at dalhin at bantayang mabuti.” 45 Kaya lumapit siya kay Jesus at sinabi: “Guro!” At hinalikan niya ito. 46 At si­nung­gaban nila siya at dinakip. 47 Hinu­got naman ng isa sa mga naroon ang isang tabak at tinaga ang isang katulong ng Punong-pari, at naputol ang tainga nito.

48 Nagsalita naman si Jesus: “Isa ba akong tulisan at pumarito kayong may mga tabak at pamalo para hulihin ako? 49 Nasa Templo ako araw-araw sa pi­ling ninyo at nagtuturo, at hindi ninyo ako hinu­li. Ngunit kailangang ma­tupad ang mga Kasulatan.” 50 At iniwan siya ng lahat at sila’y nag­si­takas. 51 Sinundan siya ng isang binata na  nakabalabal lamang ng telang lino at si­nunggaban nila siya. 52 Kaya nalaglag ang tela, at hubo’t hubad siyang tumakas.  

• 53 Dinala si Jesus sa bahay ni Caifas na Punong-pari, at doon nagtipon ang mga punong-pari, mga Matatanda ng bayan at mga guro ng Batas. 54 Si­nundan siya ni Pedro sa malayo hanggang pu­masok siya roon sa patyo ng Punong-pari, nakiupo sa mga utusan at nagpainit sa apoy.

55 Naghahanap ang mga punong-pari at ang Sanggunian ng patotoo laban kay Jesus para maipapatay siya pero wala silang na­kita. 56 Marami ngang bu­laang saksi ang nagprisinta laban sa kanya pero hindi mag­kaisa ang kanilang mga pato­too. 57 May dalawang bulaang saksing tumayo at nag­pahayag: 58 “Si­nabi nito: Magigiba ko ang Templong ito na gawa ng tao at itatayo sa loob ng tatlong araw ang ibang di gawa ng tao.” 59 Gayun­man, hindi nagkaisa ang ka­nilang patotoo. 

• 60 At pagtayo ng Punong-pari sa gitna, tinanong niya si Jesus: “Wala ka bang ma­isasagot sa lahat ng ito? Ano ang patotoo nilang ito laban sa iyo?” 61 Ngunit nanatiling tahimik si Jesus at hindi suma­got ni isa man. Kaya muli siyang tinanong ng Punong-pari: “Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 At sumagot si Jesus: “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Maka­pang­yarihang Diyos at dumarating sa mga ulap ng langit.” 63 Pinunit ng Punong-pari ang kanyang mga tunika habang sinasabi: “Ka­ilangan pa ba ang mga saksi? 64 Kayo na mismo ang nakarinig sa paglapastangang ito! Ano ang inyong pasya?” At nagpasya ang lahat na kamatayan ang dapat sa kanya. 65 At may mga nagsimulang dumura sa kanya; piniringan nila siya at sinuntok ha­bang sinasabi: “Manghula ka!” At sinampal siya ng mga bantay.  

• 66 Habang nakaupo naman si Pedro sa patyo sa ibaba, lumapit sa kanya ang isa sa mga batang utusang babae ng Punong-pari. 67 Pagkakita nito na nag­pa­painit siya, tiningnan siya nito at sinabing: “Kasama ka ni Jesus na taga-Nazaret.” 68 Ngunit ikinaila niya ito sa pag­sasabing “Hindi ko alam ni naiin­tin­dihan ang ibig mong sabi­hin.” Luma­yo si Pedro at pag­punta niya sa may pin­tuan, 69 nakita siya uli ng babae at sinabi sa mga naroon: “Isa sa kanila ang taong ito.” 70 Ngunit muli niya itong iki­naila. Ma­karaan ang ilang sandali, sinabi naman kay Pedro ng mga naka­tayo roon: “Isa ka nga sa kani­la. Taga-Galilea ka nga.” 71Ngunit nagsimulang magmura at manumpa si Pedro: “Hin­ding-hindi ko nakikilala ang tao.” 72 At noon ang ikalawang pagtilaok ng tandang. At naalaala ni Pedro ang mga si­nabi ni Jesus: “Bago tumilaok nang dalawang beses ang tandang, tatlong beses mo akong itatatwa.” At hu­magulhol siya.  

 15 1 Maagang-maaga pa’y naghanda ang mga punong-pari ng isang pulong kasama ang mga Matatanda at mga guro ng Batas – ang buong Sanhedrin. Igi­napos nila siya at ipinadala kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” 3 Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Ma­tatanda 4 kaya muli siyang tinawag ni Pilato: “Wala kang sagot? Naririnig mo ba? Kay dami ng mga sakdal laban sa iyo!” 5 Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador.  

6 Tuwing magpipiyesta, pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilang­gong gus­tuhin ng mga tao. 7 At may isang bilanggo roon na nagngangalang Barabbas, na nadakip kasama ng ibang rebelde na may pinatay sa paghi­himagsik. 8 Pag-ahon ng bayan, sinimulan ni­lang hingin kay Pilato na gawin ang dati niyang ginagawa 9 at nagtanong si Pilato: “Gusto  ba ninyong pakawalan ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam nga niya na ipinadala ng mga punong-pari si Jesus dahil sa inggit. 11 Sinul­sulan naman ng mga punong-pari ang mga tao para hingin na si Barabbas ang pakawalan. 12 Kaya tina­nong uli sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag nin­yong Hari ng mga Judio?” 13 At sumagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!” 14 Iginiit naman ni Pilato: “Ano ang kanyang kasa­la­nan?” Ngunit lalo nilang nilakasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!”  

15 Sa hangad ni Pilatong bigyang-kasi­yahan ang bayan, pinakawalan niya si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus. 16 At ipinasok ng mga sundalo si Jesus sa Pretorio o bulwagan at tina­wag ang buong hukbo. 17 Dina­mitan nila siya ng kulay-pulang balabal at pumilipit sila ng isang koronang tinik at ipinutong ito sa kanyang ulo. 18 At sinimulan nila siyang batiin: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Pinagha­hampas nila ng patpat ang kanyang ulo at dinuraan nila siya at saka palu­hod na sinamba-samba. 20 Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus.  

21 Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na pasanin ang krus ni Jesus. Galing ito sa bukid nang masalubong nila. Siya ang ama nina Alejandro at Rufo. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na Bungo ang ibig sa­bihin, 23 at pinainom nila siya ng alak na hinaluan ng mira. Tinikman ito ni Je­sus ngunit hindi niya ito ininom. 24 At ipi­nako nila siya sa krus at pinag­hati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit para ma­laman kung alin ang para ka­nino.  

25 Alas nuwebe ng umaga nang ipi­na­ko siya sa krus. 26 Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Ipi­nako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa. 28 Kaya natupad ang Kasulatan na nagsasa­bing “Ibinilang siya sa masa­sama.” 29 Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: “Aha! gigibain mo pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tat­long araw. 30 Kaya iligtas mo nga­yon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus!” 31 Pinagtawanan din siya ng mga pu­nong-pari at mga guro ng Batas na nag-uusap-usap: “Nailigtas niya ang iba, at sarili niya’y di mailigtas! 32 Bu­maba nga­yon ang Mesiyas, ang Hari ng Israel, mula sa krus at nang makita na­min at kami’y maniwala sa kanya.” At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako.  

33 Mula tanghaling-tapat hang­gang alas tres, nagdilim ang buong lupain. 34 Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabac­tani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pina­baya­an?” 35 Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tinatawag niya si Elias.” 36 May tumakbo at inilagay sa patpat ang isang esponghang isinawsaw sa suka para ipa­inom sa kanya. At sinabi nito: “Tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” 37 Muling sumigaw si Jesus nang ma­lakas at nalagutan ng hininga. 38 Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwar­yo. 39 Nang makita ng kapitang naroon sa tapat niya na ganoon siya nalagutan ng hininga, sinabi niya: “Totoo ngang Anak ng Diyos ang taong ito.”  

40 May mga babae ring nagmamasid mula sa malayo, kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina nina Jaimeng Maliit at Joset, at si Salome. 41 Sinundan nila siya at pinag­lingkuran nang nasa Galilea siya, at naroon din ang marami pang babae na umahon sa Jeru­salem na kasama nila.

 42 Araw ng Paghahanda noon bago mag-Araw ng Pahinga kaya nang mag­tatakipsilim na, 43 dumating si Joseng taga-Arimatea na marangal na kagawad ng Sanhedrin. Hinihintay din niya ang kaharian ng Diyos, at buong tapang niyang nilapitan si Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. 44 Nagulat si Pilato na namatay na pala ito kaya ipinatawag niya ang kapitan at itinanong kung patay na nga si Jesus. 45 Nang malaman niya ito sa kapitan, ibinigay niya ang katawan kay Jose. 46 Bumili ito ng telang linen, at pagka­baba nito sa katawan ay ibinalot sa tela at inilagay sa libingang inuka sa bato. At saka niya pinagulong ang isang mala­king bato sa bukana ng libingan. 47 Tiningnan naman ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Joset kung saan siya ini­lagay.

No comments: