Mabuting Balita: Marcos 5:21-43Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa
ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay
pinagkalipumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking
nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga.
Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa
kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung
maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang
siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng
napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May
isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan.
Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang
kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong
lumubha.
Narinig
niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya
hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito.
Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling
na ako.”
Biglang
tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman
naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa
mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga
alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit
itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?”
Subalit
patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y
alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus,
nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan.
Sinabi
sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka
na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong
karamdaman.” Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa
bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo
aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay
sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.”
At
wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang
dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga
tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi,
“Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog
lamang!”
Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas
niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y
pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita
kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!”
Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At
namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito
kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.
+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang babae na gustong gumaling sa kanyang sakit pero
ayaw nyang magsimba o manood ng banal na
Misa online. Ayaw nya rin na magdasal sa Diyos para siya ay gumaling. Ayaw nya
ring mag dasal ng sto. Rosaryo o basahin ang pagpapagaling at mga milagro ni
Jesus sa mga tao sa biblia.
Mayroon ka bang ipinapanalangin kay Jesus? Ipagdasal mo ito,
huwag kang susuko at patuloy mo itong hilingin kay Jesus dahil ito ang susi
para ito ay iyong makamit. Pero kailagan ay mayroon kang pananampalataya dahil
ang pananampalataya ang susi para makamit mo ang iyong hinihiling kay Jesus.
Pero, paano po ba tayo lalago sa ating pananampalataya sa
Panginoong Jesus Kristo? Kailagan po ay palagi tayong nag lalaan ng oras ng
pananalangin para sa kanya. Palagi tayong naglalaan ng oras para mag simba o
manood ng banal na Misa online. Palagi tayong naglalaan ng regular na oras para
mag basa ng bibliya para mas makilala natin si Jesus.
Ang babaeng maysakit sa mabuting balita ay labing dalawang
taon ng dinudugo at lubhang nahihirapan na sa kanyang sakit. Marami ng doktor
ang tumingin sa kanya pero hindi siya gumaling. Hangang sa mabalitaan o marinig
nya ang pangalan ni Jesus. At simula ng marinig nya ang pangalan ni Jesus ay
nakaroon na sya ng malalim na pananampalataya kay Jesus. Ang pananampalataya ring ito ang nagtulak sa
kanya para lumapit kay Jesus. At sinabi nya, “mahipo ko lamang ang kanyang damit
ay gagaling na ako.”
Lahat po tayo ay kilala si Jesus pero hindi lahat sa atin ay
nananalagin ng grasya ng pananampalataya. Hindi lahat ay palaging nagsisimba
tuwing linggo, hindi po lahat sa atin nag uukol ng oras na magbasa ng biblia
para mas makilala pa si Jesus.
Yung iba po sa atin ay baka sabihin na busy sila kaya di sila makapagsimba, di makapagdasal ng
Santo Rosaryo at di makapagbasa ng bibliya. Kung ganon po ay paano po tayo
lalago sa ating pananampalataya at paano po natin mas makikilala ng mas malalim
pa si Jesus?
Kung gusto po natin na lumakas ang ating pananampalataya at
kung gusto po natin na tayo ay
pagalingin ni Jesus kailagan po na mag laan tayo ng oras para sa kanya.
May inilalaan ka pa bang oras para kay Jesus? – Marino J.
Dasmarinas