Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha.
Narinig
niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya
hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito.
Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling
na ako.”
Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?”
Subalit
patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y
alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus,
nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan.
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.” Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.”
At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!”
Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas
niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y
pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita
kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!”
Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At
namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito
kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.
+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang babae na gustong gumaling sa kanyang sakit pero ayaw nyang magsimba o manood ng banal na Misa online. Ayaw nya rin na magdasal sa Diyos para siya ay gumaling. Ayaw nya ring mag dasal ng sto. Rosaryo o basahin ang pagpapagaling at mga milagro ni Jesus sa mga tao sa biblia.
Mayroon ka bang ipinapanalangin kay Jesus? Ipagdasal mo ito, huwag kang susuko at patuloy mo itong hilingin kay Jesus dahil ito ang susi para ito ay iyong makamit. Pero kailagan ay mayroon kang pananampalataya dahil ang pananampalataya ang susi para makamit mo ang iyong hinihiling kay Jesus.
Pero, paano po ba tayo lalago sa ating pananampalataya sa Panginoong Jesus Kristo? Kailagan po ay palagi tayong nag lalaan ng oras ng pananalangin para sa kanya. Palagi tayong naglalaan ng oras para mag simba o manood ng banal na Misa online. Palagi tayong naglalaan ng regular na oras para mag basa ng bibliya para mas makilala natin si Jesus.
Ang babaeng maysakit sa mabuting balita ay labing dalawang taon ng dinudugo at lubhang nahihirapan na sa kanyang sakit. Marami ng doktor ang tumingin sa kanya pero hindi siya gumaling. Hangang sa mabalitaan o marinig nya ang pangalan ni Jesus. At simula ng marinig nya ang pangalan ni Jesus ay nakaroon na sya ng malalim na pananampalataya kay Jesus. Ang pananampalataya ring ito ang nagtulak sa kanya para lumapit kay Jesus. At sinabi nya, “mahipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
Lahat po tayo ay kilala si Jesus pero hindi lahat sa atin ay nananalagin ng grasya ng pananampalataya. Hindi lahat ay palaging nagsisimba tuwing linggo, hindi po lahat sa atin nag uukol ng oras na magbasa ng biblia para mas makilala pa si Jesus.
Yung iba po sa atin ay baka sabihin na busy sila kaya di sila makapagsimba, di makapagdasal ng Santo Rosaryo at di makapagbasa ng bibliya. Kung ganon po ay paano po tayo lalago sa ating pananampalataya at paano po natin mas makikilala ng mas malalim pa si Jesus?
Kung gusto po natin na lumakas ang ating pananampalataya at kung gusto po natin na tayo ay pagalingin ni Jesus kailagan po na mag laan tayo ng oras para sa kanya.
May inilalaan ka pa bang oras para kay Jesus? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment