Mabuting
Balita: Mateo 18:21-19:1
21 Nagtanong si
Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang
ng aking kapatid? Pitong beses ba?” 22 Sumagot
si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. 23 Tungkol sa kaharian ng
Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang
kanyang mga utusan. 24 Nang
simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na
sampung libong baretang ginto. 25 Dahil
walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging
alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang
bayad-utang.
26 At nagpatirapa
sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran
kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa
sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang
utang.28 Pagkaalis ng opisyal
na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang
sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang
sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ 29 Nagpatirapa
sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng
panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ 30 Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad
ng utang.
31 Labis na
nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya
pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag naman niya ang
opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang
makiusap ka sa akin. 33 Di ba
dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Galit na galit ang panginoon
kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran
nito ang lahat ng utang.”
35 Idinagdag ni
Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin
ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” 19 1 Nang tapos na si Jesus sa
mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa
kabilang ibayo ng Ilog Jordan.